Hapones

Hapones nangnenok, tiklo sa BI agents

Jun I Legaspi Jan 23, 2025
19 Views

NAARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Angeles City, Pampanga ang Japanese national na wanted sa Tokyo dahil sa pagnanakaw.

Kinilala ang suspek na si Tsukita Yuhei, 28, na naaresto noong Lunes sa Fields Avenue, Brgy. Balibago ng mga miyembro ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI.

Sinabi ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na isang arrest warrant laban kay Yuhei ang inilabas ng Tokyo Summary Court matapos siyang sampahan ng kasong pagnanakaw sa ilalim ng Article 235 ng penal code ng Japan.

Ayon sa ulat, nagnakaw si Yuhei at kanyang kasabwat ng walong ATM cards matapos magpanggap na mga pulis upang linlangin ang kanilang mga biktima.

Umabot sa mahigit 724,000 yen ($4,600) ang perang kanilang ninakaw sa pamamagitan ng hindi awtorisadong pag-withdraw mula sa mga naturang card.

Batay din sa record ng BI, overstaying na si Yuhei sa bansa dahil dumating siya sa Pilipinas noong Marso 16, 2019 at hindi na umalis mula noon.