Sunog Pahirapan ang pag-apula ng mga fire volunteer sa nasusunog na gusali sa Ongpin St., Binondo, Manila, habang may dalawang babaeng kasambahay na naitalang namatay mula sa isa pang sunog sa isang condominium sa nasabing lugar. Mga kuha ni JON-JON C. REYES

4 na sunog, 2 bebot dedo sumalubong sa Chinese New Year

Jon-jon Reyes Jan 29, 2025
24 Views

Sunog1DALAWANG bebot ang namatay sa sunog sa isang condominium sa Binondo matapos ma-trap ang mga ito sa isang kwarto sa ika-35 na palapag ng gusali Miyerkules ng madaling araw.

Napag-alaman na dalawang kasambahay na babae, isang 31-anyos at isang 24-anyos, ang hindi na nakalabas sa loob ng condominium unit sa Anchor Sky Suite sa Ongpin Street, Sta. Cruz, Manila.

Nagsimula ang sunog bandang 3:25 ng umaga at umabot lamang sa unang alarma.

Sa inisyal na report ng Bureau of Fire Protection (BFP), inuukupahan ng isang Hanshong Chua ang isang unit sa 35th floor ng gusali, na may 56 na palapag.

Tinatayang aabot sa humigit kumulang na P4.5 milyon ang pinsala sa sunog na patuloy na inaalam ang sanhi.

Ang mga labi ng dalawang biktima ay nasa pangangalaga ng Sanctuary Funeral.

Ayon sa BFP, nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon upang malaman ang pananagutan ng amo ng mga biktima, na ayon sa nakuhang impormasyon ay naka-lock diumano ang kanilang unit kaya hindi sila nakalabas.

Samantala, pasado alas-11 naman ng umaga noong Miyerkules, habang kasagsagan ng pagdiriwang ng Chinese New Year, ay sumiklab ang sunog sa Barangay 193, Matang Tubig, Tondo, Manila.

Habang inaapula ng BFP ang apoy na umabot sa ikalawang alarma ay muling may na-monitor na sunog sa kahabaan ng Ongpin St., T. Alonzo, Binondo, kung saan nasa ikalimang palapag ang nasusunog na gusali.

Malapit lamang din ito sa naunang naiulat na sunog kung saan may namatay na dalawang babae.

Bandang 12:57 naman nang may sumiklab ding sunog sa Trinidad St., Brgy. 91, Tondo, na umabot sa ikatlong alarma.

Ayon sa BFP, inaalaam pa ang sanhi ng apoy at ang halaga ng napinsala ng sunog sa Binondo at Tondo.