POGO Source: File photo

Senado ibinuking network ng krimen kaugnay POGO

17 Views

ISINIWALAT ng Senado ang isang malawak at organisadong network ng kriminalidad na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), kabilang ang human trafficking, kidnapping, money laundering, at panghihimasok ng dayuhan.

Matapos ang halos tatlong taon ng imbestigasyon, inilabas ng Senado ang Committee Report No. 514, na naglalaman ng detalye kung paano ginamit ng POGOs upang makapasok sa ekonomiya at gobyerno, na sinamantala rin ng mga tiwaling opisyal.

Pinangunahan ni Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros ang pagsisiyasat at binigyang-diin niya ang matinding epekto ng patuloy na operasyon ng offshore gaming sa bansa.

Natunton ng imbestigasyon ng Senado ang mga kaso ng mga Pilipinong ibiniyahe palabas ng bansa upang pagtrabahuhin sa mga scam hub. Marami sa kanila ang naakit ng pangakong lehitimong trabaho ngunit napilitang sumali sa malakihang online scam operations na pangunahing nakatuon sa mga dayuhan. Ang mga hindi nakaabot sa kanilang quota ay sumailalim sa matinding pisikal na parusa.

“Hindi lang sila napilitang mang-scam, ang iba sa kanila kinuryente at tinortyur pa. Our kababayans suffered at the hands of these scam syndicates,” ibinunyag ni Hontiveros.

Nadiskubre rin ng imbestigasyon na ang mga iligal na operasyon na ito ay lumalampas sa teritoryo ng Pilipinas, na umaabot sa Myanmar, Cambodia, at China. Hindi lamang naging biktima ang mga Pilipino kundi ginamit din sila sa mga ilegal na transaksyong pinansyal, na nagpakita ng transnasyunal na lawak ng problema.

Nakalista rin sa ulat ng Senado ang mga umano’y opisyal ng gobyerno na sangkot sa POGO-related corruption. Natuklasan na ilang opisyal sa lokal at pambansang antas ang nagbigay-daan upang maisagawa ang mga ilegal na aktibidad na ito. Isa sa mga nasangkot ay si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na kilala rin bilang Guo Hua Ping, na di-umano’y tumulong upang mapabilis ang pagbibigay ng lisensya sa mga kumpanyang POGO, kaya’t nagkaroon ng pagkakataon ang mga sindikato na magpatakbo ng kanilang mga iligal na negosyo sa bansa.

“Napatunayan natin na isang opisina at staff ng local Mayor mismo ang tumulong para mag-notaryo ng sinumpaang salaysay ni Guo Hua Ping na wala na sa Pilipinas,” sabi ni Hontiveros.

Isa sa pinaka-nakababahalang natuklasan ng imbestigasyon ay ang ugnayan ng POGOs sa mga operasyon ng dayuhang paniniktik. Natukoy ng Senado ang kaso ni She Zhijiang, isang Chinese national na wanted para sa ilegal na sugal, at diumano’y ginamit bilang isang intelligence asset ng Chinese Communist Party.

Bilang tugon sa mga natuklasan, inirekomenda ng Senado ang agarang pagpapatigil sa lahat ng POGO operations sa bansa at pagsampa ng kaso sa mga tiwaling kawani.

Bukod dito, iminungkahi rin ang pagsasampa ng kasong economic sabotage laban sa mga POGO operator sa ilalim ng bagong Anti-Financial Account Scamming Act, gayundin ang pagpapalakas ng border controls upang maiwasan ang trafficking ng mga Pilipino sa scam hubs sa ibang bansa.

Kabilang sa iba pang mga panukala ang paglilinaw sa Executive Order No. 74 upang matiyak na ang online gambling ay hindi na maaaring ipagpatuloy sa ilalim ng mga casino na lisensyado ng PAGCOR at mga integrated resorts, pagtatatag ng isang sentralisadong database para sa visa upang subaybayan ang mga dayuhang pumapasok sa bansa.

Nanawagan din si Senator Joel Villanueva, isang matibay na tagapagtaguyod ng POGO ban, na ipatupad ang mas mahigpit na regulasyon sa cryptocurrency at seguridad sa pananalapi upang maiwasan ang mga susunod pang iligal na operasyon.

Binigyang-diin ni Villanueva na ang cryptocurrency ay ginamit ng POGO syndicates upang malayang maglaba ng bilyon-bilyong piso nang hindi natutunton.

“Ayon sa ating mga ahensya, isa sa mga dahilan kung bakit hindi nila agad na-detect ang mga ilegal na transaksyon ni GUO HUA PING at mga POGO ay dahil sa kanilang paggamit ng cryptocurrency,” ani Villanueva.

Iginiit din niya ang ganap na pagpapatupad ng Freedom of Information Law upang mabigyan ng masusing pagsisiyasat ang mga transaksyong pinansyal ng mga opisyal ng gobyerno, kabilang ang pagsisiwalat ng kanilang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs) at bank records.

Sa kabila ng pagsulong sa ganap na pagbabawal ng POGO, nagpahayag ng pangamba na mag iibang anyone Ang POGO.

“Ngayon pa lang, may nakukuha nang report ang aming opisina mula sa empleyado ng POGO. Pinapalipat na sila ng base of operations sa isang casino sa Parañaque, at gaya ng sa POGO, naka-dorm sa isang condominium sa Pasay,” babala ni Hontiveros.

Bukod sa pagsugpo sa POGO-related crimes sa bansa, binigyang-pansin din ng Senado ang kalagayan ng mga Pilipinong nananatiling bihag sa mga scam hubs sa ibang bansa.

Ibinunyag ni Hontiveros na may ilang Pilipino na nagtangkang tumakas mula sa mga kampo nitong nakaraang Chinese New Year ngunit hinarap ang matinding hadlang, kabilang ang mga armadong bantay at ang panganib ng pagtawid sa ilog upang makaligtas.

“Literally and figuratively, they are waiting for us, their country, their government, to throw them a lifeline,” kanyang iginiit, nananawagan sa mga awtoridad na pabilisin ang mga pagsagip sa mga biktima.