Maris

MaThon aso’t pusa kung magtalo

17 Views

Nakalimutan na yata ng netizens ang “cheating” isyu nina Anthony Jennings at Maris Racal dahil sa mapanghamon at nakakaaliw nilang karakter sa seryeng “Incognito,” kung saan pareho silang gumaganap bilang undercover agent.

Base kasi sa mga nababasa naming komento, natutuwa sila sa MaThon dahil sila ang nagpapagaan sa bawat eksena. Sina Daniel Padilla, Baron Geisler, Ian Veneracion, Kaila Estrada at Richard Gutierrez ay pawang mga seryoso.

Mula lumabas si Maris sa episode 14 bilang Gab Rivera, naging bukambibig na siya dahil ang seksi ng unang labas niya with matching long, curly hair. Sumunod naman na naka-stiletto siya habang nakikipagtunggali kay Tomas (Anthony).

In short, para silang aso’t pusa na laging nagtatalo. Natatawa naman sa kanila si Baron, na sobrang seryoso ang karakter bilang ama na hindi nakikita ang anak.

Habang pinapanood namin ang episode 15 sa Netflix, bigla naming naalala ang sinabi sa amin ng taga-ABS-CBN, “Kapag napanood na sina Anthony at Maris tiyak na magbabago ang tingin sa kanila at malilimutan na ang isyu sa kanila.

“Kumbaga, matatabunan ng ganda ng karakter at rapport nila ang isyu,” sabi pa ng taga-Kapamilya network.

Samantala, nananatiling number 1 TV series sa Netflix PH ang “Incognito”.

Sab inga ni Ogie Diaz sa kanyang vlog, “Naungusan nito ang ‘Batang Riles’ at kahit napapanood ito sa Netflix, na number one ngayon, ay mataas pa rin sa ranking.”

Bukod sa naturang streaming platform, napapanood din ito sa Kapamilya free TV channel, A2Z at TV5. Reggee Bonoan