Wowie nag-sorry sa pumanaw na UMD member

Vinia Vivar Feb 6, 2025
15 Views

Pumanaw na ang original member ng Universal Motion Dancers (UMD) na si Norman Santos dahil sa kidney failure. He was 52 years old.

Ang malungkot na balita ay kinumpirma ng kanyang partner na si Chato Maria sa pamamagitan ng kanyang Facebook account.

Ayon kay Chato, matagal ding nakipaglaban si Norman sa sakit sa kidney at 12 years na itong nagda-dialysis.

“It is with great sadness that I announce the passing of Norman Santos on February 3, 2025, after a prolonged fight against kidney failure, necessitating dialysis for over 12 years,” ang pahayag niya.

Inanunsyo rin ni Chato na magkakaroon ng tentative viewing mula February 12 hanggang 16 sa St. Peter Memorial Chapels sa Tabacuhan, Olongapo City.

Nag-post din ang official page ng UMD sa FB at ipinaalam ang pagpanaw ni Norman.

“Isang kapatid kasamahan namin sa grupo ang pumanaw na po si tol Norman Santos, Mahal ka namin tol at ma mimiss ka namin tol sobrang nalulungkot kami sa pangyayari nabawasan na naman po kaming isang Legendary na kapatid… pakikiramay sa pamilya PAALAM SAYO TOL NORMAN UMD FOR LIFE,” ang post ng UMD.

Matatandaang sumikat nang husto ang UMD noong dekada ’90. Ang iba pang miyembro nito ay sina Wowie de Guzman, Brian Furlow, Marco McKinley, Gerry Oliva, Jim Salas, James Salas at si Gerard Fainsan, na pumanaw na rin noong 1997.

Ilan sa hindi malilimutang dance performances nila ay ang “Always” by Erasure, “Stars” by Simply Red, “Dying Inside to Hold You” by Timmy Thomas, “How Gee” by Black Machine at “Close To You” by Whigfield.

Sila rin ang nagpauso ng “butterfly dance” na hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa grupo bilang signature move.

Sa Facebook account ni Wowie ay nag-post siya ng madamdaming pamamaalam kay Norman.

“UTOL… mahal na mahal ka namin. Hindi man naging maayos ang pagsasama ng grupo sa huli… at the end of the day magkakapatid tayo. Wala akong ibang hangad kundi kabutihan nating lahat…,” mensahe ni Wowie kay Norman.

Humingi rin siya ng tawad sa pumanaw na ka-grupo sa kanyang pagkukulang.

“Pasensya ka na sa mga pagkukulang ko sayo Man… mahal na mahal ka namin… hindi ko mararating ang kinalalagyan ko ngayon kung hindi dahil sayo… we love you Norman Santos UMD for Life… kitakits tayo nila Gerald sa finals ng buhay ko,” saad ni Wowie.