Rolando Valeriano

Kamara ginawa lamang ang tungkulin sa mamamayang Pilipino –Valeriano

Mar Rodriguez Feb 7, 2025
13 Views

BINIGYANG DIIN ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano na ginawa lamang ng Kamara de Representantes ang tungkulin nito para ipagtanggol ang mamamayang Pilipino laban sa pang-aabuso, katiwalian at lantarang paglapastangan sa batas.

Nilinaw ni Valeriano na ang pag-endorso ng Kongreso sa ika-apat na impeachment complaint na isinampa ng mayorya ng mga kongresista laban kay Vice President Inday Sara S. Duterte ay hindi politika. Bagkos ito ay usapin ng konsensiya at pagmamahal sa bayan.

Tahasang sinabi ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na ipinakita lamang nilang mga mambabatas na hindi maaaring balewalain ang batas at ang pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan na nasangkot sa katiwalian o kabuktutan.

Pagdidiin ng kongresista na ang impeachment complaint ay hindi personal sa usapin o “political vendetta” laban sa Pangalawang Pangulo. Kundi paninindigan at pakikibaka ng mamamayan Pilipino laban sa katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan.

Ayon kay Valeriano, napakalinaw sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability – ang Blue Ribbon Committee ng Kamara de Representantes – na matibay ang mga ebidensiyang iniharap laban kay VP Sara.

Muling binigyang diin ng Metro Manila solon na hindi mapasusubalian ang mga inilatag na katibayan kung saan napakalinaw ng mga paratang laban kay Duterte patungkol sa paglustay umano nito sa P125 million Confidential Fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dati nitong pinamumunuan.

Sabi pa ni Valeriano na napakalinaw din na ang ginawa ni VP Sara ay palabag sa Konstitusyon sapagkat hanggang ngayon ay hindi parin nito naipapaliwanag kung saan talaga nito ginastos ang milyon-pisong Confidential Fund ng OVP at DepEd.

Nauna rito, sa isang makasaysayang pangyayari sa Kamara de Representantes. Na-impeachment ng Kongreso si VP Duterte na kauna-unahan sa kasaysayan ng bansa na ang Pangalawang Pangulo ay isinalang sa “impeachment trial” sa Senado bunsod ng malawakang korapsiyon at maling paggamit ng pondo ng bayan.