Calendar
![Ortega](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Ortega.jpg)
VP SARA, KELAN MAS UMAYOS BUHAY NOONG DU30 ADMIN?
BINANATAN ni House Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega si Vice President Sara Duterte sa umano’y maling paglalarawan nito na mas maayos ang buhay ng mga Pilipino noong panahon ng kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte, kumpara sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Ortega, tila nabubuhay si VP Sara sa isang “multiverse” at hiwalay sa reyalidad.
“Nabubuhay yata sa ibang dimensyon si VP Sara. Kailan naging mas maayos ang buhay ng Pilipino noong panahon ng kanyang ama? Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos, gumaganda ang ekonomiya, bumababa ang inflation, at patuloy ang pagbuhos ng suporta sa mga Pilipino sa kabila ng global challenges,” ani Ortega.
Binigyang-diin ni Ortega ang mga tagumpay ng administrasyong Marcos, kabilang ang patuloy na paglago ng ekonomiya, record-high foreign investments, stable inflation rates at pinalawak na social programs.
Samantala, ipinaalala niyang iniwan ng administrasyong Duterte ang bansa na may mataas na utang, sirang supply chains at kontrobersyal na pandemic spending.
“Ang tanong natin kay VP Sara: Mas maayos ba ang buhay ng Pilipino noong ang gobyerno ay tambak sa utang, may pandemic mismanagement at laganap ang extrajudicial killings (EJK)? Mas mabuti bang magpatuloy ang kultura ng takot, korapsyon at incompetence?” ani Ortega.
Kinuwestiyon din niya ang motibo ni VP Duterte sa pagsasalita laban sa kasalukuyang administrasyon, sabay sabing baka sinusubukan lang nitong ilihis ang atensyon sa impeachment case laban sa kanya, kung saan kabilang sa mga paratang ay korapsyon at umano’y pakana para ipapatay si Pangulong Marcos at iba pang opisyal.
“Ang totoo, baka gusto lang niyang lumayo sa isyu ng impeachment at anomalya sa paggamit ng pondo. Pero kahit anong pagbaluktot niya sa katotohanan, hindi mababago ang mga datos at ebidensya na nagpapakita ng totoong kalagayan ng bansa,” dagdag ni Ortega.
Nanindigan siya na sa ilalim ni Pangulong Marcos, patungo ang Pilipinas sa pangmatagalang katatagan at kaunlaran, salungat sa dating administrasyong umasa umano sa pananakot at political intimidation.
Hinikayat din niya si VP Duterte na suportahan na lang ang mga programa ng administrasyon kaysa magpakalat ng maling impormasyon.
“Instead of living in a fictional multiverse, she should step into the real world and contribute to nation-building under the leadership of President Marcos,” pagtatapos ni Ortega.