Survey File photo ni JOJO CESAR MAGSOMBOL

Pagsulong ng Kamara sa AKAP tama, pinatunayan ng mga survey

18 Views

ANG resulta umano ng mga survey na isinagawa noong nakaraang buwan ay patunay na tama ang Kamara de Representantes sa pagsusulong nito ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) upang matulungan ang mga nangangailangang Pilipino.

Sinabi ni Assistant Majority Leader Pammy Zamora ng Taguig City na ikinatuwa nito ang resulta ng mga survey na nagpapakita na 80 porsyento hanggang 90 porsyento ng mga respondent ay nagsabing ang AKAP at iba pang programa ay nakatulong upang mapagaan ang kanilang pinansyal na pasanin.

“Well, personally masayang-masaya ako sa survey na ‘yan kasi it vindicates what we’ve always said na itong mga issues patungkol sa ayuda ay pawang ingay lamang at talaga namang hinahanap ito ng taong-bayan,” ani Zamora.

“Kasi ‘yung 4Ps, diniderekta ‘yan para sa talagang mga sa poorest of the poor. Ito namang AKAP ay nakadirekta para sa mga near-poor na isa ring malaking porsyento ng ating populasyon. Kaya masaya kami na ‘yan ang lumabas sa survey kasi ito naman ay bagay na talagang pinaniwalaan namin noon pa man,” dagdag pa niya.

Ang mga survey ay isinagawa ng mga nangungunang survey firm na Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia Research Inc.

Sa survey ng SWS, 90 porsyento ng mga respondent ang nagsabing nakatulong sa kanila ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Nasa 88 porsyento naman ang nagsabi ng pareho ukol sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.

Ang 4Ps at AKAP ay ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) habang ang TUPAD ay pinangangasiwaan ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa parehong SWS poll, 81 porsyento ng mga respondent ang nagsabing nakatulong sa kanila ang AKAP at Walang Gutom Program ng gobyerno.

Sa survey naman ng Pulse Asia, 82 porsyento ng mga respondent ang nagsabing ang 4Ps ay nakatutulong sa mga mahihirap na pamilya.

Parehong porsyento ng mga sumagot ang nagsabing ang TUPAD ay nakatutulong upang kumita ang mga nawalan ng trabaho.

Mga 81 porsyento naman ang nagsabing ang AKAP ay nakatulong sa kanila sa pagpapagaan ng kanilang pinansyal na pasanin.

Ang survey ng SWS ay isinagawa noong Enero 17 hanggang 20, habang ang survey ng Pulse Asia ay isinagawa noong Enero 18 hanggang 25.