Alvarez

Reklamo ni Alvarez ipinagtaka

17 Views

WALA umanong legal o moral na karapatan si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na magsampa ng kasong katiwalian laban kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kaugnay ng 2025 national budget dahil hindi naman niya tinutulan ang pag-apruba nito sa plenaryo ng Kamara.

Bilang miyembro ng Kamara, maraming pagkakataon si Alvarez na ipahayag ang kanyang mga isyu sa deliberasyon at pag-apruba ng budget, ngunit hindi niya ito ginawa, ayon kay House Assistant Majority Leader at Taguig City Rep. Pammy Zamora.

“It’s very ironic that Mr. Alvarez barely participated in the non-stop budget hearings that we’ve had for the 2025 budget, whether sa committee level or sa plenary. Wala naman siyang ni-raise na concern,” saad ni Zamora.

Sinabi pa ni Zamora, bilang Assistant Majority Leader, palagi siyang nasa plenaryo at bihirang makita si Alvarez na naglalabas ng anumang isyu.

Ayon pa kay 1-RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez, “Kagaya nang sinabi po ni Cong. Pammy, we would always welcome and respect everyone’s right to seek redress, seek grievance before the court.”

“Tama naman po ‘yun kapag nakikita po natin na merong cause of action, pwede naman talaga tayo mag-file,” ayon Gutierrez.

Kinukwesyon din ni Gutierrez ang timing at lugar ng reklamo ni Alvarez, na aniya ay kung tunay na may kinalaman ito sa batas, dapat sana itong inilabas noon pa o idinulog sa Korte Suprema.

“It’s just really questionable po personally without going into the context na may prior redress naman po in the House na hindi naman po naitanong,” punto pa ni Gutierrez.

Nakakapagtaka aniya na ang reklamo ay inihain sa isang korte para sa mga kasong kriminal, sa halip na idulog sa Korte Suprema para sa paglilinaw tungkol sa mga proseso ng lehislatura.

Nauna nang pinuna ni House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe ng Zamboanga City ang mga kilos ni Alvarez, na bilang miyembro ng Kamara noong deliberasyon ng 2025 General Appropriations Bill, ay may pagkakataon itong maghain ng pagtutol, kwestiyunin ang mga alokasyon, at ituro ang sinasabing depekto sa mga talakayan sa plenaryo, subalit hindi nito ginawa.

Ayon kay Dalipe, ang pananahimik ni Alvarez sa panahon ng proseso at ang biglaang pagsasampa niya ng reklamo ay maaaring may motibong pulitikal sa likod ng kanyang mga paratang.

Iginigiit sa mga reklamong inihain ni Alvarez at ng kanyang mga kasama na may pondong isinama sa General Appropriations Act nang hindi kanilang sa report ng bicameral conference committee. Ayon sa kanila, ang mga umano’y isiningit ay wala sa ulat na kapwa nilagdaan at inaprubahan ng mga miyembro ng Kamara at Senado.

Gayunpaman, ipinagtanggol ni Dalipe ang mga hakbang ng Kamara, na binigyang-diin na ang pag-apruba ng pambansang budget ay isang konstitusyonal na tungkulin ng Kongreso. Aniya, ang proseso ng budget ay dumaraan sa masusing deliberasyon at pagsusuri ng parehong kapulungan bago ito ipasa sa pangulo para sa pinal na pag-apruba.