Calendar
![Kano](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Kano.jpg)
Kano nahulog sa condo, lumagapak sa tabi ng lady guard, patay
SA tabi mismo ng isang lady guard lumagapak ang katawan ng dayuhang Kano nang mahulog mula sa ika-walong palapag ng isang condominium sa Valenzuela City.
Dedo kaagad ang biktimang si alyas “Robert” 59, American national at pansamantalang nanunuluyan sa Unit 819, Tower A Condominium, Isabelle de Valenzuela, Brgy Marulas sanhi ng matinding pinsala sa ulo, hita at katawan matapos bumagsak padapa sa lobby ng naturang condo.
Naganap ang insidente Lunes ng alas-9:40 ng umaga bagama’t nito lang Miyerkules ng madaling araw nakapaglabas ng ulat ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban dahil kinakailangan pa nilang ipabatid sa Foreign Liason Division ng Embahada ng Estados Unidos ang malagim na sinapit ng dayuhan para maipaalam sa kanyang pamilya ang nangyari.
Sa pahayag sa pulisya ng 52-anyos na lady guard ng condominium na si alyas “Anita”, residente ng University Avenue, Brgy. Potrero, Malabon City, ginagampanan niya ang kanyang tungkulin ang magulat siya nang bumagsak sa tabi niya ang katawan ng biktima.
Sinabi ni Col. Cayaban na isasailalim pa nila sa autopsy examination ang bangkay ng dayuhan upang matiyak ang sanhi ng kanyang kamatayan habang patuloy pa rin ang kanilang ginagawang pagsisiyasat upang mabatid kung sadyang tumalon sa kanyang kamatayan ang dayuhan o aksidenteng nahulog mula sa tinutuluyan niyang unit.