Barbie nganga sa pag-aabang ng K-pop stars

Vinia Vivar Feb 15, 2025
17 Views

Malungkot ang fans ng ex-lovers na sina Jak Roberto at Barbie Forteza sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso nu’ng Feb. 14.

Ito kasi ang first Valentine ng JakBie na hiwalay na matapos ang pitong taong relasyon.

Matatandaang kinumpirma mismo ni Barbie ang kanilang hiwalayan nito lamang Enero sa pamamagitan ng isang Instagram post.

Ang ilang JakBie fans ay nag-post na mapanakit daw ang Valentine nila ngayon dahil wala na silang aabangang selebrasyon mula sa kanilang mga idolo.

Taon-taon nga naman ay laging may pasabog si Jak para kay Barbie sa tuwing sumasapit ang special day na ito.

Paano nga ba ipinagdiwang nina Jak at Barbie ang kanilang first Valentine Day matapos ang kanilang breakup?

Well, base sa mga IG post ni Barbie, kasalukuyang siyang nagbabakasyon sa South Korea. Umalis siya bago mag-Valentine’s Day at ibinahagi niya sa kanyang fans ang mga larawan niya habang namamasyal mag-isa.

Mag-isa siya sa mga larawan niya, pero hindi rin natin sure kung solo ba talaga siyang nag-travel o may kasama.

Sa V-Day post niya ay makikitang nasa Oatts Brunch, Seongsu-dong siya.

Sa caption ay sinabi ng aktres na nagtungo siya sa Oatts sa pag-asang makikita ang kanyang mga iniidolong K-pop star.

“They say KPop Idols come here so I took my chance, hoping to meet one. Nagbill out na ko’t lahat, wala pa rin,” caption ni Barbie.

Noong isang araw naman ay ibinahagi niya ang larawan niya habang nasa isang restaurant sa Gangnam District.

“Well-deserved brunch after walking for an hour just to get to this place. Yes, it was worth it. p.s. ang sarap sana nung pasta kaso yung bg music,” caption ng aktres.

Samantala, viral naman ang guesting ni Jak kahapon sa “It’s Showtime” kung saan ay tinanong siya ni Vice Ganda kung ano ang plano niya sa Valentine’s Day.

Sagot ni Jak, “Valentine’s pala ngayon. Akala ko, Me-time Day. Hindi, joke lang.”

Tanong ulit ni Vice, “So, wala kang ka-date tonight?”

Tugon ulit ng aktor, “Wala, wala.”