Vargas

Death threat sa magkapatid na Vargas

Mar Rodriguez May 4, 2022
338 Views

NAKATANGGAP ng pagbabanta sa kanilang buhay ang magkapatid na sina Quezon City 5th Dist. Rep. Alfred Vargas at PM Vargas na kumakandidato sa pagka-kongresista kapalit ng kaniyang Kuya na nasa ika-huling termino.

Nabatid sa kongresista (Alfred Vargas) na dalawang pirasong bala ng M-16 rifle ang ipinadala mismo sa kanilang opisina sa Novaliches District Center.

Sa salaysay naman ni PM Vargas, sinabi nito na dineliver ang pakete ng isang “delivery rider” eksakto 1:25 p.m. noong nakaraang Lunes (May 2) na nakalagay sa isang kahon.

Nababahala naman ang matandang Vargas (Alfred) sa seguridad ng kaniyang pamilya bunsod ng naturang pagbabanta. Kung saan, lalong aniyang umiinit ang halalan habang nalalapit ang mismong araw ng botohan.

“Ito ay isang kahon na naka-address sa akin. Dalawang pirasong bala ng M16 ang laman. Maliwanag na ang intensyon ng nagpadala ay para takutin kami at ang aming pamilya,” sabi ng kongresista.

Sinabi pa ng mambabatas na: “Ngayon ay nahaharap kami sa ganitong klase ng death threat na tinaon pa sa dulo ng kampanya. Kaya nananawagan kami sa aming pamilya, mga kaibigan, at supporters na samahan niyo kaming maging vigilant sa lahat ng uri ng kasamaan, pananakot at pandaraya.

Inilahad pa ng kongresista na apat na beses na silang hinikayat na umatras sa laban. Kung saan, daan-daang milyong piso ang naging alok sa kanilang magkapatid.

“Hindi tayo magpapatinag kahit anong pananakot pa ang gawin nila sa atin,” aniya. Kakasilang pa lang ng unang anak ni PM Vargas nitong Abril kaya naging emosyonal ang pulitiko para sa seguridad at kapakanan ng pamilya. “Hindi po natin hahayaang dumanak ang karahasan lalo na’t buhay ng aking pamilya ang nakataya sa usaping ito,” dagdag pa QC solon.

Nanawagan din siya sa kanilang mga ka-distrito na protektahan ang kanyang bunsong kapatid at bantayan ang boto ng bawat Novalenyo.

“Hahayaan ba ninyong sirain ng mga dayo nang ganon-ganon na lang at pagharian ng kadiliman ang Novaliches? Walang puwang sa District 5 ang mga nagsisiga-sigaang sindikato para makuha lang ang kanilang gusto. Habang papalapit na ang araw ng eleksyon, samahan niyo po kaming protektahan ang ating boto,” pagtatapos ni Vargas.