Calendar

Nanipa tinutukan ng boga, nanutok himas-rehas
DINAKIP ng mga pulis ang 69-anyos na lolo ng tutukan ng baril ang kanyang kapitbahay noong Linggo sa Valenzuela City.
Takot na takot ang biktimang si alyas Ike, 35, at lumabas lang para magreklamo sa pulisya alas-4:30 ng hapon nang matiyak na wala na ang suspek na si alyas Lolo Francisco.
Ayon kay Valenzuela police chief P/Col Nixon Cayaban, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa nang sitahin ng biktima ang kapitbahay sa ginawang pagsipa sa kanilang gate alas-12:05 ng tanghali.
Pumasok ng kanilang bahay si alyas Francisco at paglabas, may dala ng baril at tinutukan ang biktima sabay sabi ng: “Matapang ka ha, ano ba gusto mo?”
Doon na nagtatakbo papasok ng bahay si alyas Ike.
Natimbog ng mga nagrespondeng pulis si Lolo Francisco na nahaharap na ngayon sa kasong grave threat at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Omnibus Election Code sa piskalya ng Valenzuela City.
Nakumpiska sa suspek ang hindi lisensyadong .9mm caliber pistol.