Suspek sa sex crime nakorner matapos 12-taong pagtatago

Edd Reyes Feb 21, 2025
15 Views

NATIKLO ng mga pulis ang 54-anyos na akusado ng four counts ng panggagahasa sa menor-de-edad na biktima matapos ang 12-taong pagtatago noong Biyernes sa Caloocan City.

Hindi nakapalag si alyas Tony nang isilbi ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Edcille Canals ang warrant of arrest mula sa Pinamalayan Oriental Mindoro Regional Trial Court (RTC) Branch 42 dakong alas-12:50 ng hatinggabi para sa apat na bilang na kasong panghahalay at isang count ng statutory rape laban sa akusado.

Pansamantalang nakapiit sa detention facility ng Caloocan Police Station ang akusado habang hinihintay pa ang utos ng hukuman para sa pagbiyahe sa kanya sa Oriental Mindoro.

Binati ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Josefino Ligan ang mga tauhan ng Caloocan police sa pagkakatugis sa suspek.