Fireworks

Miting de avance ng UniTeam nagmukhang victory rally

250 Views

Nagmukhang victory rally ang miting de avance ng UniTeam na pinamumunuan nina presidential candidateFerdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte.

Mahigit sa 1 milyon ang dumalo sa huling kampanya ng UniTeam na idinaos sa Parañaque City noong Sabado ng gabi.

Bukod sa mga banda at mag-aangwit na nag-perform nagkaroon ng isang eleganteng drone show na katulad ng ginawa para sa Tokyo Olympics kung saan makikita ang simbolo ng Tigre ng Norte at Agila ng Davao.

Nasundan ito ng isang firework display na maitutulad sa mga ipinakikita kapag mayroong international fireworks competition na sumasabay sa saliw ng tugtog ang mga paputok.

Sa kanyang talumpati ay nagbiro si Duterte na siya ay nagsuot ng barong kasi akala nito ay oath taking na matapos sabihin ng mga sumusuporta sa kanya na sila ay panalo na.

Inulit naman ni Marcos ang kanyang panawagan sa mga suporter na protektahan ang boto.

Sa halip na isang miting de avance lamang ang isagawa, tatlo ang ginawa ng UniTeam— sa Tagum City para sa Mindanao, Guimbal, Iloilo para sa Visayas at Parañaque City para sa Luzon.

Kapwa nangunguna sina Marcos at Duterte sa mga pre-election survey at sinasabi ng mga analyst na mahihirapan ng talunin ang mga ito.