Pusa

Mahigpit na pagpapatupad ng batas para sa kapakanan ng hayop isinulong

21 Views

MAMAMATAY pusa (pusakal) pinaghahanap?”

Mariing kinondena ni Senador Grace Poe ang pagpatay sa isang community cat sa Ayala Triangle Gardens sa Makati City, na umano’y ginawa ng isang Chinese national.

Ang insidente, na naitala sa closed-circuit television (CCTV), ay nagdulot ng matinding galit mula sa mga tagapagtaguyod ng kapakanan ng hayop at sa publiko.

Ayon sa mga ulat, ang pusa, na tinatawag ng mga residente bilang “Ken,” ay nagpapahinga sa parke nang walang dahilan itong sipain ng isang lalaki na kinilalang si Shan Jiang, 32. Dahil sa lakas ng pagsipa, agad itong namatay.

Nang dalhin sa barangay para humarap sa mga opisyal, sinasabing mayabang ang suspek at tumangging ibigay ang kanyang tirahan, iginiit pang dapat idaan ang mga tanong sa Embahada ng Tsina.

Bilang tugon sa pangyayari, naglabas ng pahayag si Senador Poe upang ipahayag ang kanyang pagkadismaya at nanawagan ng pananagutan.

“We deplore the killing of a community cat at the Ayala Triangle Gardens in Makati City by a Chinese man,” pahayag ni Poe.

Binigyang-diin ni Poe na ang nasabing pusa ay isang community pet na inaalagaan ng mga residente at dapat na maging ligtas na tirahan para sa mga hayop ang mga pampublikong lugar.

“Nagpapahinga lang ang pusa, at dahil community cat nga ito, ibig sabihin ay alaga ito ng mga tao sa lugar. Safe haven dapat ng mga alagang pusa at aso ang komunidad na iyon,” dagdag niya.

Hinimok din ni Poe ang mga awtoridad na panagutin ang gumawa ng krimen alinsunod sa Animal Welfare Act.

“No animal should be subject to cruel and unwarranted abuse,” aniya. Dagdag pa ng senador, mahalaga ang pagpapalakas ng batas upang agad na mahuli ang mga lumalabag at mapanagot sila sa kanilang mga kilos.

“A stronger and more responsive Animal Welfare Law in place would have immediately caught the perpetrator and made him answerable to his crime,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, ang Animal Welfare Act of 1998, na inamyendahan ng Republic Act No. 10631 noong 2013, ay nagpapataw ng parusa sa mga lumalabag sa kapakanan ng hayop. Maaring makulong mula anim na buwan hanggang dalawang taon ang mga nagkasala at/o pagmultahin ng hindi hihigit sa ₱100,000, depende sa bigat ng paglabag.

Gayunpaman, matagal nang isinusulong ng mga organisasyon para sa kapakanan ng hayop ang mas mabigat na parusa upang pigilan ang ganitong uri ng pagmamalupit. Ayon sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS), iminungkahi nilang itaas ang multa sa hindi bababa sa ₱100,000 at ipataw ang anim na taong pagkakakulong o higit pa, depende sa bigat ng paglabag.

Dahil sa insidenteng ito, isinusulong ni Senador Poe ang pagpasa ng bagong bersyon ng Animal Welfare bill, na siya mismo ang may-akda at kasalukuyang nakatakdang pagbotohan sa ikatlong pagbasa.

Layunin ng panukalang batas na bigyan ng mas malaking kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan, partikular na ang mga barangay, sa pagtugon sa mga kaso ng pagmamalupit at kapabayaan sa mga hayop.

Bukod dito, nais nitong ipataw ang mas mabibigat na multa upang magdalawang-isip ang mga nang-aabuso bago gumawa ng krimen. “We are confident that our colleagues and fellow animal welfare advocates in Congress will see through the passage of this bill,” pahayag ni Poe.

Samantala, patuloy na humihingi ng hustisya ang mga grupo ng animal welfare, kabilang ang CARA Welfare Philippines, para sa nasawing pusa.

Nanawagan din sila sa publiko na tumulong sa paghahanap sa suspek upang mapanagot ito sa batas.

Ayon sa mga organisasyon, malinaw na paglabag sa Animal Welfare Act ang ginawang karahasan, at dapat itong bigyang aksyon upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente sa hinaharap.

Dahil sa pangyayaring ito, muling binuksan ang diskusyon tungkol sa kahalagahan ng pangangalaga sa mga hayop at ang pangangailangang higpitan ang pagpapatupad ng batas upang protektahan sila mula sa pagmamalupit at pang-aabuso.