Hataw

Construction worker sugatan sa hataw ng tubo sa ulo

Edd Reyes Mar 8, 2025
23 Views

MALUBHANG nasugatan ang 45-anyos na obrero nang hatawin ng tubo sa ulo ng 37-anyos na kapwa obrero matapos ang mainitang pagtatalo habang nag-iinuman noong Biyernes sa Malabon City.

Nadakip ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan ang suspek na si alyas Cesar at isinugod naman sa Tondo Medical Center para lapatan ng lunas ang biktimang si alyas Ronie.

Sa ulat kay Northern Police District (NPD) acting director P/Col. Josefino Ligan, nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at biktima at isa pa nilang kasamahan na si alyas Maximo sa kasagsagan ng inuman sa construction site dakong alas-11:30 ng gabi.

Dumampot ng bakal na tubo ang suspek at hinataw sa ulo si alyas Ronie na duguang napahandusay at isusunod sanang hatawin si alyas Maximo pero nakatakbo palabas para humingi ng saklolo.

Nagkataong nagpapatrulya sa lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station-2 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakakumpiska sa bakal na tubo habang isinugod naman ng mga dumating na tauhan ng Malabon Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang biktima sa ospital.

Kasong frustrated homicide at threat ang kakaharaping kaso ng suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office.