Interpol Source: PNA file photo

PH may legal, diplomatikong tungkulin na makipagtulungan sa Interpol

15 Views

MAY legal at diplomatikong tungkulin ang gobyerno ng Pilipinas na makipagtulungan sa mga pandaigdigang ahensya tulad ng International Criminal Police Organization (Interpol), kapag naglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, kahit umatras na ang Pilipinas sa ICC, nananatili itong miyembro ng Interpol at may obligasyong sumunod sa international protocols.

“Well kung totoo nga po na meron, meron po kasi tayong legal and diplomatic obligation na dapat po nating sundin,” saad ni Chua.

“Kung hindi po ako nagkakamali, bagamat hindi tayo, wini-draw na natin ang ating membership sa ICC, pero tayo po ay parte pa rin ng Interpol. In fact, nung tayo po ay hinanap po natin si Alice Guo sa ibang bansa ay humingi rin tayo ng tulong at suporta sa Interpol,” dagdag pa ng mambabatas.

Binigyang-diin ni Chua na hindi tama kung gagamitin lamang ng Pilipinas ang Interpol para sa sariling interes ngunit tatanggihan ang mga hiling na kooperasyon mula sa pandaigdigang ahensya.

“Kaya hindi naman po maganda na tayo ay tataliwas dito dahil kung tayo po’y nangangailangan, sila naman ay ina-accommodate tayo kasi miyembro po tayo nito,” paliwanag nito.

Sa gitna ng mga ulat tungkol sa posibleng warrant of arrest mula sa ICC, iginiit ni Chua na wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa tribunal.

“Sa atin po kasi parang assistance lang ‘yun sa atin. Kung hindi po ako nagkakamali dahil malamang ‘yung arrest warrant ibibigay po ‘yan sa DOJ (Department of Justice) o sa PNP (Philippine National Police) dahil ‘yung police ay hawak ng DILG (Department of Interior and Local Government), malamang DILG at DOJ. Sa DOJ ang NBI (National Bureau of Investigation) so tingin ko yan pong dalawang ‘yan ang talagang mangunguna dito,” saad ng kongresista.

Dagdag pa niya, hangga’t walang opisyal na pahayag mula sa ICC, mananatiling espekulasyon lamang ang mga ulat.

“Kung saka-sakali dahil as we speak rumors pa rin po ito. Puro mga sabi lang po nino. Puro hearsay pa lang po ito. Wala naman po itong confirmation,” giit nito.

Una na ring naglabas ng pahayag si PCO Secretary Jay Ruiz na tiniyak ng Malacañang ang kahandaan nitong makipagtulungan sa Interpol sakaling maglabas ng warrant ang ICC.

Muling iginiit ni Chua na bagamat umatras na ang Pilipinas sa ICC, nananatili pa rin ang mga obligasyon nito sa ilalim ng international law, lalo na sa pamamagitan ng ugnayan nito sa Interpol.

“Meron tayong diplomatic obligation dyan eh. In fact ginamit nga natin ‘yung Interpol noong hinanap natin si Alice Guo, kung mare-recall po ninyo at humingi tayo ng tulong sa kanila, bound po tayo dyan,” aniya.

Matatandaan na sinabi ni Duterte na tanging mga awtoridad ng Pilipinas lamang ang may karapatan na umaresto sa kanya, habang patuloy namang pinanindigan ng kanyang mga kaalyado na walang hurisdiksyon ang ICC.

Kasalukuyan iniimbestigahan ang dating pangulo dahil sa umano’y crimes against humanity kaugnay sa kanyang kampanya kontra ilegal na droga.

Iginiit naman ni Chua na hindi maaaring piliin lamang kung aling mga pandaigdigang kasunduan ang susundin, dahil ang rule of law at mga diplomatikong obligasyon ay dapat igalang at kilalanin parati.