Speaker Ortega

Lider ng Kamara nanawagan ng pagiging patas at respeto sa gitna ng mga puna sa papel ng mga senador-hukom sa paglilitis kay VP Duterte

16 Views

NANAWAGAN nitong Linggo ang isang lider ng Kamara ng pagiging patas at respeto sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kasunod ng mga puna na tila umaakto umanong mga abogado para sa depensa ang ilang senador-hukom.

Kinilala ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union na may mga nagtatanong at bumabatikos sa paraan ng pagganap ng ilang miyembro ng impeachment court, ngunit iginiit niyang kailangang manatiling balanse ang buong proseso ng paglilitis.

“Iyon nga po, marami po nakakapuna actually dun sa ating mga, mga ibang kasamahan dyan sa impeachment court,” ani Ortega.

Sa kabila ng mga naturang puna, sinabi niyang naniniwala pa rin siya na kayang panatilihin ng Senate impeachment court ang pagiging patas at walang kinikilingan.

“Ako naman, gusto ko pa rin po naman na isipin na balansyado at fair po yung mga tanong nila,” dagdag niya.

Lalong umigting nitong mga nakaraang araw ang panawagan para sa pagiging neutral ng mga senador-hukom. May ilang tagamasid na nagsabing tila pabor sa depensa ang ilang linya ng pagtatanong ng mga senator-judge.

Dahil dito, ipinaalala na inaasahang kikilos ang mga miyembro ng impeachment court bilang walang kinikilingang tagahatol, at hindi bilang tagapagtanggol o tagapagtaguyod ng alinmang panig.

Binigyang-diin ni Ortega na kailangang pairalin ng lahat ng sangkot sa paglilitis ang wastong asal at paggalang sa isa’t isa, kahit magkakaiba ang kanilang posisyon.

“Ang sa akin lang po, ang sinasabi ko lagi, dapat manaig naman po yung respeto on both sides—defense, prosecutors, saka impeachment court,” ani Ortega.

Sinabi rin niya na mahalaga ang maayos at magalang na pag-uugali upang matiyak na lalabas ang katotohanan sa panahon ng paglilitis.

“Importante po palabasin po yung katotohanan. Yun naman po ang punto ng lahat ng ito,” dagdag ni Ortega.

Ang Senado, bilang impeachment court, ay kasalukuyang dumidinig sa kaso laban kay Duterte, kung saan kapwa naghaharap ng mga ebidensiya ang prosekusyon at depensa kaugnay ng iba’t ibang alegasyon.

Sa kasalukuyan, nasa witness stand si state auditor Xylene Mae del Campo ng Commission on Audit-Intelligence and Confidential Funds Audit Office upang tumestigo tungkol sa kanyang mga natuklasan hinggil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education.