Calendar
Tila iilang tao umano ang lumagda sa libo-libong resibo ng confidential funds ng OVP — Ridon
MAAARING maliit na bahagi lamang ng mas malaking isyu ang 845 acknowledgment receipt para sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) na iniharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay House prosecutor Rep. Terry Ridon.
Sa isang forum sa Quezon City nitong Sabado, sinabi ni Ridon na inaasahang magtutungo sa witness stand sa mga susunod na linggo ang mga testigo mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) at National Bureau of Investigation (NBI).
Layunin umano ng kanilang testimonya na ipakita ang lawak ng mga sinasabing iregularidad sa paggamit ng confidential funds ng OVP.
Ayon kay Ridon, isang NBI handwriting expert ang dati nang tumestigo sa House Committee on Justice na tila iisang grupo o iilang tao lamang ang lumagda sa mga acknowledgment receipt.
Ibig sabihin, bukod sa mga transaksyong hindi pinayagan ng Commission on Audit (COA), maaari ring kuwestiyunin ang iba pang acknowledgment receipt kung mapatutunayang iisa o iilang tao lamang ang pumirma sa libo-libong dokumento.
Kabilang sa mga pangalang lumitaw sa mga resibo sina Mary Grace Piattos, Renan Piatos, Andy Lim, Alejandro Pikit, Nova Santos, Mico Harina, at Patty Ting.
Sa mga naunang pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ng PSA na wala itong nakitang birth, marriage, o death records para sa ilang pangalan na sinasabing recipient ng confidential funds, kabilang sina Mary Grace Piattos, Kokoy Villamin, at Milky Secuya.
Ayon kay Ridon, mahalaga ang magiging testimonya ng NBI handwriting expert dahil maaaring matukoy kung sino talaga ang lumagda sa mga acknowledgment receipt.
“Para sa libo-libong acknowledgment receipt, dapat iba’t ibang tao ang pumirma dito. Kapag tumestigo na ang handwriting expert ng NBI, doon makikita na hindi lang yung disallowed in audit ang dapat habulin,” ani Ridon.
Samantala, patuloy na tumetestigo si COA state auditor Xylene Mae del Campo, na nangangasiwa sa COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office.
Inilalahad ni Del Campo ang mga natuklasan ng COA tungkol sa paggamit ng confidential funds ng OVP at Department of Education (DepEd).
Si Del Campo rin ang nagrekomenda ng ₱448 milyong notices of disallowance mula sa kabuuang ₱500 milyong confidential funds na inilaan sa OVP.
Ayon kay Ridon, layunin ng mga ebidensiyang inihaharap ng prosekusyon na ipakita kung sino ang may pangunahing pananagutan sa paglalabas, paggamit, at liquidation ng confidential funds ng OVP at DepEd.
Sinabi rin ni Ridon na konektado umano ang Vice President sa ₱73 milyon mula sa unang confidential fund at sa kabuuang ₱448 milyon na ipinapabalik ng COA dahil sa sinasabing maling paggamit ng confidential funds.
Patuloy ang pagdinig ng Senate impeachment court sa mga testimonya at ebidensiyang inihaharap ng prosekusyon.

