DTI

QC, Dumaguete City membership sa UNESCO Creative Cities Network itinutulak ng DTI

Chona Yu Mar 11, 2025
17 Views

DOBLE kayod ngayon ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpupursige na maging miyembro ng UNESCO Creative Cities Network ang Quezon City at Dumaguete City.

Ayon sa pahayag ng DTI, malaking tulong sa bansa kung makakakasama sa listahan ang dalawang siyudad.

Nabatid na nagsumite ng aplikasyon ang dalawang lungsod noong Marso 1 kung saan ang Quezon City ay nag-apply sa creative fields of Film habang ang Dumaguete City ay nag-aapply sa Literature.

Matatandaan na noong Oktubre 31, 2024, nakipag-partner ang DTI sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Philippine National Commission for UNESCO (UNACOM) para pormal na i-endorso ang dalawang siyudad bilang opisyal na nominado ng Pilipinas sa 2025 UCCN Application Cycle.

Para maihanda ang dalawang siyudad, kinuha ng DTI ang expertise ni Paolo Mercado, presidente ng Creative Economy Council of the Philippines.

Dahil sa tulong ni Mercado, natumbok ng dalawang siyudad ang target ng UCCN na maitaguyod ang creativity at cultural industries habang kinakamit ang 2030 agenda for sustainable development.

Binisita ni Mercado ang dalawang siyudad para tulungan sa application process.