Isko

CODE-M ni Isko ginaya; ex-mayor proud

Edd Reyes Mar 13, 2025
23 Views

IPINAGMALAKI ni Francisco “Isko Moreno” Domaoso ang pagtugon niya sa kagipitan at pagbibigay ng ayuda na ginaya ng ibang lungsod noong pandemic period.

Ayon sa alkalde, binuo niya ang “CODE-M” o “Contain, Delay and Mitigate” para labanan ang COVID-19 infection, antalain ang paglawak nito at mapagaan ang epekto sa ekonomiya at kabuhayan.

“Natutuwa naman tayo, ginaya naman ‘yon ng ibang mga kasamahan nating alkalde sa Kamaynilaan na nagkawanggawa at nagtulong-tulong na ang lahat sa Metro Manila,” dagdag pa niya.

Sa naturang plano, malaking puhunan ang kailangan para sa pagpapataas ng antas at modernisasyon ng pampublikong imprastraktura sa Maynila upang mapangalagaan ang kalusugan, pati na ang pagtiyak na may makakain ang mga mamamayan sa Manila.

“In the given situation, it is timely na lalong palawigin ang investment sa healthcare system, whether it’s a facility, training for healthcare personnel, or acquiring more medical professionals,” paliwanag pa ni Domagoso.

Bukod sa pagpapatayo ng mga bagong ospital, laboratoryo at storage facilities, mahalaga pa rin ang pagkakaroon ng gamot, bakuna, pagkain, na may malaking epekto sa buhay ng tao, ayon sa dating artista at mayor.

“Sa Maynila kasi, 700,000 pamilya buwan-buwan, mayroong food box. Salamat sa Diyos nakaraos naman tayo.

Naitawid natin. Walang nagutom sa Manila,” sabi ni Domagoso na kumakandidatong alkalde.