Chinese

Nanipa, pumatay ng pusa tinimbog ng BI

Jun I Legaspi Mar 13, 2025
45 Views

INARESTO ng mga intelligence officer ng Bureau of Immigration (BI) noong Lunes ang isang Chinese national na ‘sumikat’ dahil sa paninipa hanggang sa mapatay ang pusa sa Ayala Triangle Gardens sa Makati kamakailan.

Nahuli si Jiang Shan, 32, sa harap ng kanyang bahay sa Brgy. Palanan.

Ayon sa BI, dumating si Shan sa Pilipinas noong Mayo 2023 ngunit hindi na nag-renew ng visa simula Setyembre 2023.

Walang maipakitang dokumento si Jiang sa mga operatiba ng maaresto.

Isinailalim siya sa booking process at inilipat sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig habang isinasaayos ang kanyang deportation case.

Nagbabala si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa mga dayuhan na dapat nilang igalang ang mga batas ng Pilipinas habang sila ay nasa bansa.

“Filipinos are known to be very hospitable to our guests. But guests should not come to our houses kicking our pets. His cruel action led to the BI conducting checks on his records, and now he’s detained to be deported,” saad ni Viado.

Si Jiang naging laman ng balita matapos sipain at mapatay ang isang community cat na nagngangalang Ken.

Maangas pa daw si Jiang at tumangging magbigay ng impormasyon sa mga nagtanong sa kanya matapos ang insidente.