Sanya nagsalita sa hiwalayang JakBie

Vinia Vivar Mar 14, 2025
15 Views

Nagbigay ng kanyang saloobin ang Kapuso actress na si Sanya Lopez hinggil sa breakup ng kuya niyang si Jak Roberto at ni Barbie Forteza.

Matatandaang inanunsyo ni Barbie ang breakup nila ni Jak sa pamamagitan ng isang Instagram post noong nakaraang January.

Since then ay hindi na nagbigay pa ng pahayag si Barbie at si Jak naman ay hindi pa nagsasalita hanggang ngayon.

Sa panayam ni Aubrey Carampel para sa GMA Integrated News Interviews, inamin ni Sanya na ikinalungkot niya ang paghihiwalay ng JakBie.

“Of course, masakit din for me na hindi pala sila ‘yung nag-end up together. Pero I respect their decision kasi sila iyon, eh. Kumbaga, ‘andito lang naman ako to support both of them,” sabi ni Sanya.

Aniya ay hindi pa rin niya nakakausap ang dalawa tungkol sa breakup.

Pero masayang-masaya naman si Sanya para sa kanyang Kuya Jak ngayong matatapos na ang dream house na ipinapagawa nito na malapit lang sa kanyang bahay.

“Nadadaanan ko siya (ang ipinapagawang bahay ni Jak). First time ko nakita, nakakaiyak. Nakaka-proud for him na finally you have your own house and lahat ng mga pinaghirapan niya. Ang cute lang,” sey ng aktres.

Dagdag pa niya, “Ang ganda kasi parang dati nakikibahay lang kami, nakikitira lang kami. Tapos now meron siyang sarili niya. I have my own house na kasi, eh.”

Labis ding nagpapasalamat si Sanya na unti-unting natutupad ang mga pangarap nilang magkapatid.

“Nakaka-proud, Ate Aubrey, na unti-unti, alam mo na nakikita mo na, ‘Ah, meron pa lang talagang nangyari sa life namin.’ Kasi before, noong bata kami, ang thinking lang namin paano kami makaka-survive? Paano kami kakain tatlong beses sa isang araw?

“Kung ano man ‘yung meron kami, parang ano ‘yan, eh, blessing na lang ni Lord na lang sa amin ‘yun na maging grateful kami na ‘ah, ito pala, ‘no?’ Ang sarap pala sa pakiramdam na unti-unti, mayroon kang nararating sa life,” ani Sanya.