Vhong nagpaliwanag sa spiel na ‘dasurv’

Vinia Vivar Mar 14, 2025
21 Views

May paliwanag si Vhong Navarro hinggil sa binitiwan niyang linyang “dasurv” sa episode ng “It’s Showtime” noong March 12.

Ang eksaktong dialogue ni Vhong ay: “What’s up, what’s up, madlang people! Parang may iba sa ngiti n’yo ngayon! Parang ngiting may inspirasyon! ‘Yung ngiting may dahilan ka para bumangon!

Ganyan nga, ganyan nga! Sa kabila ng gulo at ingay, sana mahanap ninyo ang inyong dahilan ng paghinga… At ang inyong pahinga! I say-dasurv!!!”

Sa mga hindi aware, ang word na “dasurv” ay slang term ng “deserve.”

Anyway, binigyan agad ng ibang kulay ng netizens ang sinabing ito ni Vhong at ipinalagay na may kinalaman ito sa pagkakaaresto ni dating Presidente Rodrigo Duterte.

Kaya naman nagbigay ng paglilinaw si Vhong sa kanyang Facebook page.

Ipinost ng TV host/comedian ang screenshot ng kanyang script kung saan ay nakasaad ang tinurang spiel.

Aniya sa caption, “Ako po ay nagtatrabaho lang at binasa ko lang ang spiels ko. Wala po akong masamang intensyon. Love and peace!”

Nauna rito ay nagbigay na rin ng paglilinaw si Kim Chiu hinggil sa spiels niyang “deserve” dahil iniugnay din ito kay Duterte.

Ipinaliwanag ni Kim sa kanyang X account na binasa lang niya ang spiel at nakiusap sa netizens na huwag siyang gawan ng issue.

“Hala nakakaloka! Bat ako nasali dyan?!!! Like o to the M to the G!!!! Busy ako sa ibang bagay. Dyosko wag nyo ko isali sa ganyan. Parang awa nyo na. Ang gulo na po ng mundong ibabaw. wag na tayo dumagdag. Dyosko nalang talaga,” tweet ni Kimmy.