KimPau fans kinilig sa sagutang Kim at Paulo

Vinia Vivar Mar 15, 2025
13 Views

Kilig to the max ang KimPau fans sa mga sagot nina Kim Chiu at Paulo Avelino sa kanilang latest interview.

Sa panayam ni MJ Felipe sa dalawa na mapapanood sa YouTube channel ng ABS-CBN News, bagama’t wala silang direktang pahayag na sila na, nahuhuli naman sa mga sagot nila ang kanilang nararamdamdam para sa isa’t isa.

Tulad nang punahin ni MJ kung paano sila manamit na parang pang-couple na talaga dahil laging same color plus sinuot pa ni Kim ang jacket ni Paulo sa dinner sa Los Angeles.

Paliwanag ni Kim, “Kasi, sobrang lamig talaga. Tambay nga kami du’n sa heater, eh.”
 Tungkol naman sa pareho ang cap nila nang dumating sila sa airport, paliwanag ng aktres, “Hala! I think great minds think alike. Hala! Charot lang,” sabay-tawa.

Sabi ni MJ, “Baka dyowa-coded na.”

Sagot ni Kim, “Ay, grabe naman! Ipagno-novena ko ‘yan. Charot lang, charot lang,” sabay-tawa ulit.

Pati si Paulo ay natawa rin at hindi nakapagsalita.

Nahingan naman ng reaksyon ang aktor at ang natatawang nasabi na lang niya ay, “Ewan ko kay Kim. Ba’t mo ‘ko ginagaya?
 Sagot naman ni Kimmy, “Ginagaya mo ‘ko.”

Natanong din ang KimPau kung ano ang next project nila after “My Love Will Make You Disappear.”

Ayon kay Pau, nasa stage pa lang siya ng pagbabasa ng napakaraming script kaya so far, wala pa.

Biglang sabi ni Pau kay Kim, “Siguro after nito, bakasyon ba tayo?”

Halata namang kinilig ang aktres at napasigaw. “Hala! Na-record mo ba ‘yon?” tanong niya kay MJ.

“Hala!” kinikilig pa rin niyang sey at halatang tuwang-tuwa. “Isasali ko ‘yan sa nine days novena,” sambit niya.

Natanong naman kung saan sila magbabakasyon at sagot ni Kim, “Each other’s side” sabay-tawa na naman na parang kinikilig.

Tinanong sila ulit ni MJ kung saan nila gustong pumunta na magkasama at sagot naman ni Pau, “Ako, kahit saan, basta tahimik.”

Sey ni Kimmy, “Paano ‘pag kasama mo ako, so hindi pala ako makakasama sa ‘yo kasi may sakit ako kung tahimik ako.”

Tawa lang si Paulo.

Sa comment section ay mababasa ang labis na kilig ng fans sa dalawa.