Lacuna

Manila mag-aakda ng ordinansa para sa cash gift sa mga seniors

Edd Reyes Mar 18, 2025
21 Views

IBINALITA ni Mayor Honey Lacuna na mag-aakda ng ordinansa para sa birthday cash gift sa mga lolo at lola si Konsehal Philip Lacuna.

Kapag naipasa ng Sangguniang Panlungsod ang ordinansa, hindi lang cake ang matatanggap ng mga lolo at lola sa kanilang birthday kundi cash gift.

Inihayag ng alkalde ang balita sa mga senior citizen matapos ang pamamahagi ng P3,000 cash allowance sa mga senior citizen para sa Enero hanggang Marso.

Bumisita pa si Mayor Lacuna sa ilang barangay na katuwang ng pamahalaang lungsod sa pag-aabot ng benepisyo sa mga senior citizen na nagsimula noong Marso 10 sa 1st at 2nd district.

“Sa mga darating pang taon, kami po patuloy na magsusumikap upang tiyakin na ang bawat senior citizen sa Maynila may sapat na suporta mula sa pamahalaan,” pagtiyak pa ng alkalde

Ang dating P500 kada buwan na allowance ng mga lolo at lola naging P1,000 sa panahon ni Mayor Lacuna.

Sa oras na maipasa ang birthday gift sa mga lolo at lola, isusunod namang balangkasin ang pagdodoble ng allowance ng mga persons with disability (PWD) at mga solo parents.