Carla nagpugay kay Lola Delia

Vinia Vivar Mar 18, 2025
19 Views

Nagbigay ng tribute si Carla Abellana sa kanyang pumanaw na lolang si Delia Razon.

Sa Instagram ay nagbahagi ang aktres ng mga larawan ng kanyang lola at ilang family photos nila.

May old photos din siyang ipinost kasama ang kanyang lola mula sa pagkabata hanggang sa pagkadalaga niya.

In her caption, inilarawan niya ang kanyang Lola Delia bilang “the strongest, bravest, fiercest, and most beautiful.”

Isa rin sa mga larawang ipinost ni Carla ay ang liham na isinulat niya noong bata pa siya para sa kanyang lola. Mababasa rito ang paghiram niya ng children’s Bible kasabay ng pangakong ibabalik din niya ito pagkatapos niyang basahin.

Nagpasalamat si Carla sa kanyang lola sa pagpapahiram sa kanya ng Bible.

“I love you verry verry verry much,” nakasaad pa sa liham ng aktres kay Delia.

Pumanaw ang beteranang aktres at dating LVN star nitong March 15 sa edad na 94. Wala pang ibinibigay na detalye ang pamilya kung ano ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Si Delia Razon, o Lucy May Reyes sa totoong buhay, ay isa sa mga sumikat na aktres noong dekada ’50. Ang una niyang pelikula ay ang “Krus na Bituin” in 1949 under LVN Pictures.

Ang ilan pa sa memorable films niya ay ang “Rodrigo de Villa,” “Lapu-Lapu,” “Luksang Tagumpay,” “Prinsipe Teñoso,” “Gaano Kadalas ang Minsan?,” “Haplos” and “Kailan Sasabihing Mahal Kita,” among others.

Napanood din siya sa teleseryeng “Tayong Dalawa” (2009) na pinagbidahan nina Kim Chiu, Gerald Anderson at Jake Cuenca.

Napangasawa ni Delia ang negosyanteng si Aurelio Reyes at biniyayaan sila ng tatlong anak – sina Carl Glenn, Maria Aurelia at Rea Reyes.

Si Rea, mommy ni Carla, ang napangasawa ng aktor na si Rey “PJ” Abellana.