Rider

Delivery rider inaresto sa pagkatepok ng kainuman

Edd Reyes Mar 19, 2025
18 Views

TIKLO ang delivery rider na tinakasan ang kinakaharap na kasong pagpatay sa Paranaque City nang matunton ng pulisya sa pinagtaguang lugar sa Muntinlupa City.

Dakong alas 12:20 ng makapananghali ng Sabado, Marso 15, nang matimbog ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Manuel Abrugena si alyas “Jerom” sa Wawa St., Brgy. Alabang, Muntinlupa City na Top 4 Most Wanted na pugante sa Paranaque City.

Sinabi ni BGen. Abrugna na dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Paranaque Regional Trial Court (RTC) Acting Presiding Judge Harold Cesar C. Huliganga ng Branch 196 laban sa kanya para sa kasong homicide na may inilaang piyansang P120,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Napagalaman na bago naganap ang pagpatay, nag-iinuman ang biktima ang si alyas Jerom, kasama ang dalawa pa nang magkapikunan sa hindi nabatid na dahilan na humantong sa pagsusuntukan.

May hinala ang pulisya na tumulong din ang dalawa pa sa pambubugbog sa biktima hanggang paluin umano ng bote sa ulo ng akusado ang kainuman na bumulagta at nawalan ng ulirat.

Isinugod pa sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima subalit hindi na rin umabot ng buhay.