Pahayag ukol sa Disyembre 2021 at buong-taong LFS Secretary Silvestre H. Bello III

246 Views

SA kabila ng bahagyang pagtaas ng porsiyento sa unemployment, kinalulugod namin ang positibong resulta ng December 2021 Labor Force Survey dahil ipinakikita nito ang pagsusumikap ng pamahalaan na makabawi ang labor market.

Tumaas ang antas ng empleo ng bansa ng 797,000 kumpara noong nakaraang buwan, mula sa 45.477M noong Nobyembre 2021 sa 46.274M noong Disyembre 2021. Ito ay nangahulugan ng 93.4% employment rate, at 6.6% unemployment rate.

Bagama’t may bahagyang pagtaas sa unemployment rate ng month-on-month basis, naging maganda ang employment indicator sa buong taon ng 2021 na may employment rate na 92.2% at unemployment rate na 7.8% kaibahan sa 2020 employment rate na 89.6% at unemployment rate na 10.4%. Gayundin sa underemployment level na bumuti mula sa 16.4% noong 2020 sa 15.9% noong 2021.

Inaasahan ang pagtaas ng labor force participation rate dahil sa muling pagbuhay ng ekonomiya dulot ng holidays, at higit sa lahat, dahil mas maraming negosyo ang pinayagang magbukas sa ilalim ng Alert Level 2 na ipinatupad sa maraming bahagi ng bansa. Ipinakita nito ang kahalagahan sa mahusay na pamamahala sa epekto ng pandemyang Covid-19 na naging dahilan upang luwagan ang restriksiyon sa ekonomiya at pagbubukas ng mas maraming negosyo.

Bagama’t nagkaroon ng pagbuti sa labor market ito ay maaaring bumaba dulot ng Omicron variant at ng pananalasa ng bagyong Odette, kung kaya’t ang pamahalaan ay patuloy na nagsusumikap upang maibsan ang masamang epekto sa pamamagitan ng mga mekanismo tulad ng National Employment Recovery Strategy 2021-2022 at ng Task Group on Economic Recovery.

Muli naming ipinaaalala ang kahalagahan na mabakunahan at mabigyan ng booster ang ating mga kababayan, at ang mahigpit na pagsunod sa minimum public health standards (MPHS), at mga patakaran sa kaligtasan at kalusugan sa lugar-paggawa. Habang unti-unti nating tinatrato ang ‘pandemic’ bilang ‘endemic’, patuloy tayong maging mapagbantay sa pamamagitan ng palagiang pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay, pagsunod sa physical distancing, at pag-iwas sa matataong lugar.

Mananatiling aktibo ang DOLE sa pagbibigay-suporta sa mga hakbangin tungo sa patuloy na pagbuti ng ating labor market