Binaril

3 miyembro ng pamilya pinaulanan ng bala, tigok

Bernard Galang Mar 26, 2025
37 Views

PATAY ang tatlong miyembro ng isang pamilya nitong Miyerkules matapos paulanan ng bala ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang kanilang tindahan sa San Leonardo, Nueva Ecija.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Jean Fajardo, kinilala ng Nueva Ecija police ang mga biktima na sina Aurora, 52; ang kanyang asawang si Don Rey, 55; at ang kanilang 10 taong gulang na anak, pawang mga residente ng Nueva Ecija.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, nasa loob ng kanilang tindahan ang mga biktima nang dumating ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at nagpanggap na mga customer.

Pagkatapos ay pinaputukan ng mga suspek ang mga biktima na naging sanhi ng kanilang agarang kamatayan dahil sa mga tama ng bala sa ulo.

Natagpuan ng mga rumespondeng pulis ang anim na fired cartridge cases (FCCs) ng .45 na baril sa pinangyarihan

Sinusuri na ngayon ng mga pulis ang CCTV footage sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo sa likod ng pagpatay.