Calendar

DPWH iniimbestigahan ng Senado
NAGPULONG ang Senate Blue Ribbon Committee nitong Miyerkules upang imbestigahan ang kamakailang pagguho ng Cabagan–Sta. Maria Bridge sa lalawigan ng Isabela—isang proyektong umano’y nagkakahalaga ng mahigit P1.2 bilyon.
Ang tulay, na natapos noong Pebrero 1, 2025, ay gumuho noong Pebrero 27 matapos itong tawirin ng isang trak na may kargang mga bato, na tinatayang may bigat na humigit-kumulang 102 tonelada—malayo sa itinakdang limitasyong 45 tonelada ng tulay.
Kinuwestiyon ni Senador Joel Villanueva ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagpapatuloy ng retrofitting works at pag-ako ng gastusin nang hindi pinapatupad ang warranty provision o itinatag ang pananagutan ng kontratista.
Binigyang-diin niya na umabot sa P1.192 bilyon ang kabuuang halaga ng konstruksyon, kung saan malaking bahagi ay inilaan sa retrofitting noong Mayo 2023 at Mayo 2024.
“This is not just about engineering or paperwork—it’s about lives, it’s about trust, and it’s about making sure that taxpayers’ money is used properly and efficiently and our people are safe,” ani Villanueva
Bilang tugon, ipinaliwanag ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na dahil sa agarang pangangailangan, nagpasya ang nakaraang administrasyon na ipagpatuloy ang retrofitting.
Humingi rin siya ng paumanhin sa hindi pagdalo sa unang pagdinig ng Senado dahil sa naunang mga obligasyon.
Ipinakita ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga ulat na nagsasabing may mga nasilip nang problema sa estruktura ng tulay mula pa sa simula ng konstruksyon.
Inamin ni DPWH Undersecretary Eugenio Pipo Jr. na may mga isyung nakita sa maraming bahagi ng tulay habang ito ay itinatayo.
Ipinahayag ni Cayetano ang pag-aalala sa kawalan ng preventive suspensions at kinuwestiyon kung bakit ang ilang sangkot na tauhan ay nananatili pa sa serbisyo o kinokonsidera pang i-promote.
Hinikayat niya ang kagawaran na magkaroon ng “a sense of urgency in getting to the bottom of the incident.”
Bumuo na ang DPWH ng isang espesyal na komite upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente, na inaasahang maglalabas ng ulat sa Abril 25.
Bilang pansamantalang hakbang, pinapayuhan ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta habang nananatiling hindi madaanan ang tulay.
Nag-udyok ang insidente ng matinding pag-aalala sa integridad ng mga imprastruktura at pananagutan sa proyekto, dahilan upang igiit ng publiko ang mas mahigpit na pangangasiwa at pagpapatupad ng mga pamantayan sa konstruksyon upang matiyak ang kaligtasan at wastong paggamit ng pondo ng bayan.