Calendar

POLICE REGIONAL OFFICE-NEGROS ISLAND REGION, PORMAL NANG INILUNSAD
SA isang makasaysayang hakbang para sa pagpapatibay ng seguridad sa Visayas, opisyal nang ini-activate ng Philippine National Police ang Police Regional Office – Negros Island Region (PRO NIR) bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang seguridad at pamamahala sa bagong rehiyon.
Ang pagbuo ng PRO NIR ay alinsunod sa National Police Commission (Resolution No. 2025-0055 na inilabas noong Enero 9, 2025.
Layunin nitong mapadali ang paglilipat ng administratibong superbisyon at operasyonal na kontrol sa Police Provincial Offices ng Negros Oriental, Negros Occidental, Siquijor, at Bacolod City Police Office. Kasabay nito, ang PRO NIR ay nakabatay rin sa Republic Act No. 12000, na nagtataguyod ng mas organisado at epektibong pagpapatupad ng batas sa rehiyon.
Itinalaga si PRO6 director, Brigadier Gen. Jack L. Wanky bilang Officer-in-Charge ng PRO NIR habang si Colonel Dennis A. Esguerra naman ang OIC-Deputy Regional Director for Administration; ng bagong unit.
Si Col. Gilbert T. Gorero ay itinalaga naman bilang OIC- Chief of Regional Staff habang si Col. Ronaldo P. Palomo ang hinirang bilang OIC ng Regional Operations Management Division.
Opisyal nang inilunsad ang PRO NIR sa pamamagitan ng isang pormal na seremonya na magsisilbing tanda ng isang mahalagang yugto sa pagtatatag ng isang mas malayang at episyenteng pwersa ng pulisya sa Negros Island Region.
Ipinahayag ni PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang kanyang buong suporta sa pang-labingwalong police regional office sa bansa.
“Ang activation ng Police Regional Office – Negros Island Region ay isang mahalagang hakbang upang matiyak ang isang mas mabilis at mas epektibong serbisyo ng pulisya para sa ating mga kababayan. Ito ay bahagi ng aming pangako na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Negros Island at mga kalapit nitong lalawigan,” sinabi ng PNP chief.
Sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa pangangasiwa ng PNP sa ilalim ni Gen Marbil, ang pagtatatag ng PRO NIR ay isang malaking hakbang patungo sa mas ligtas at maunlad na rehiyon, ayon kay PNP Public Information Office chief, Col. Randulf T. Tuaño.
Ipinapakita nito ang dedikasyon ng administrasyon sa pagpapalapit ng serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan at pagpapalakas ng seguridad sa buong Negros Island Region, dagdag pa ng opisyal.