Dolor Si Bauan, Batangas Mayor Ryanh Dolor ay sinalubong ng mga awtoridad sa NAIA Terminal 1 matapos dumating mula Los Angeles, California Hwebes ng umaga.

Mayor Dolor inaresto sa NAIA pagdating mula US

46 Views

ISANG mayor mula sa Batangas, na nauna ng na-cite in contempt ng House Committee on Public Accounts, ang inaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pagdating nito mula sa Estados Unidos umaga ng Huwebes.

Kinumpirma ni House Sergeant-at-Arms retired police Major General Napoleon “Nap” C. Taas ang pag-aresto kay Bauan Mayor Ryanh Dolor, sa NAIA Terminal 1 sa Pasay City alas-12:08 ng umaga ngayong Marso 27.

Si Dolor ay dumating sa bansa sakay ng Philippine Airlines flight PR 113 mula sa Los Angeles, California. Siya ay inaresto ng mga tauhan ng Office of the House Sergeant-at-Arms katuwang ang House of Representatives Liaison Officer, Airport Police, Criminal Investigation and Detection Office (CIDG), at Bureau of Immigration.

Ang arrest order laban kay Dolor ay inilabas kasunod ng contempt order ng House Committee on Public Accounts na pinamumunuan ni Rep. Joseph Stephen Paduano, ng Abang Lingkod Party-list at kinumpirma ni House Secretary-General Reginald “Reggie” S. Velasco. May petsa itong Marso 17.

Si Dolor ay na-contempt dahil sa paglabag umano sa Section 11, Paragraph A ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation kaugnay ng hindi pagdalo sa pagdinig ng walang legal na batayan.

Kasama rin sa contempt order sina Joseph Yu at Jonathan Yu, Aquadata Inc. pangulo at vice president.

Ayon kay Taas binasa kay Dolor ang utos at ipinaalam sa kanya ang kanyang constitutional rights at sumailalim sa medical checkup bago dinala sa detention facility ng Kamara de Representantes.

Ang contempt order laban lay Dolor ay nag-ugat sa paulit-ulit nitong hindi pagdalo sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts na nag-iimbestiga sa privatization ng Bauan Waterworks System (BWS).

Ayon sa komite, nakapaglabas ito ng tatlong imbitasyon, isang show cause order, at isang subpoena bago naglabas ng contempt order.

Ang tanggapan ni Dolor ay nagpadala ng kopya ng travel authority ng alkalde na pirmado ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas. Nakasaad dito na si Dolor ay pupunta sa Estados Unidos mula Marso 11 hanggang 26 para sa medical reasons.

Kinuwestyon naman ng mga mambabatas ang kawalan ng medical records o pagtukoy sa partikular na kondisyong medikal ni Dolor.

“Wala man lang medical records or anything like that to justify his absence,” ani Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores sa nakaraang pagdinig.

Nagpahayag din ng pagdududa si Flores dahil itinaon ang pag-alis ni Dolor sa mga petsa kung kailan magsasagawa ng pagdinig ang komite.

“Medyo halata po na iniiwasan po tayo ni Mayor Dolor,” sabi ni Flores.

Sinabi naman ni Antipolo City Rep. Romeo Acop na nasa abroad din sina Aquadata President Joseph Yu at Vice President Jonathan Yu, na ipinapatawag din sa pagdinig.

Ang imbestigasyon ay nag-ugat sa House Resolution (HR) No. 2148 na inihain ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union, kaugnay ng mali umanong paggamit ng pondo at mga iregularidad sa transaksyon ng Bauan local government at Aquadata Inc.

Ayon sa Commission on Audit (CoA), ang kontrata sa pagitan ng munisipyong pinamumunuan ni Dolor at Aquadata ay walang legal na basehan. Nabigo rin umano ang Aquada sa pre-qualification criteria pero itinuloy pa rin ang kasunduan.

Si Dolor ay mananatiling nakakulong hanggang sa matapos ang pagdinig ng komite o ipag-utos ng komite ang pagpapalaya sa kanya.