Rep Valeriano

Komprehensibong inspection, auditing sa lahat ng mga tulay at iba pa hiniling ni Valeriano

Mar Rodriguez Mar 28, 2025
37 Views

Rep ValerianoUPANG matiyak ang “structural integrity” ng lahat ng mga estraktura tulad ng mga tulay. Inihain ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano ang House Resolution No. 2257 na naglalayong magkaroon ng komprehensibong inspection at auditing sa lahat ng mga tulay, flyovers, overpasses, viaducts at aqueducts.

Ipinaliwanag ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na nais nitong madetermina at matiyak na ang lahat ng mga estraktura ay mayroong “structural integrity” o ligtas na gamitin ng publiko upang maiwasan ang isang aksidente.

Pagdidiin ni Valeriano na layunin din ng kaniyang House Resolution na maagapan ang aksidente sakaling ang isang tulay, flyover at iba pang kahalintulad nitong estraktura ay depektibo at kinakailangan ng isang malawakang pagkukumpuni.

“This can be a daunting task for the DPWH, but for the safety of the public. It must be done,” ayon kay Valeriano.

Sa kaniyang resolution, hinihiling ng kongresista sa House Committee on Public Works and Highways, Committee on Good Government, Public Accountability at Metro manila Development na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa nasabing isyu.

Sabi ni Valeriano na ang ikakasang imbestigasyon sa Kamara ay batay sa report ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasabay ng pagbabalangkas ng isang panukalang batas para tugunan ang problema ng mga depektibong estraktura.

Pagdidiin pa ng kongresista na hindi lamang napaka-delikado ng mga depektibong tulay at iba pang estraktura para sa publiko bagkos ito ay maituturing din aniya na isang pagwawaldas sa pera ng gobyerno bunsod ng mga “substandard” ng imprastraktura.

“Such collapse and structural integrity issues of public infrastructures are not merely an ominous hazard to the safety of the public, but are a gross waste of scarce government funds and resources,” wika pa nito.