Calendar

AFP kinatigan sa panawagan na maghanda sa nangyayari sa Taiwan
SINABI ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na dapat tutukan ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan sa gitna ng mga kaganapan sa seguridad sa rehiyon.
Tumugon si Escudero sa pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Gen. Romeo Brawner Jr. na nanawagan ng kahandaan kaugnay ng posibleng kaganapan sa Taiwan Strait.
Inilahad ni Escudero na wala siyang nakikitang masama sa panawagan ni Brawner dahil may kinalaman ito sa pagprotekta ng pamahalaan at mga posibleng gagawing paglikas ng mga Pilipino sa Taiwan.
Hindi ito kaugnay ng anumang partisipasyon sa digmaan, ayon sa senador.
May mahigit 250,000 na Pilipino sa Taiwan na maaaring kailangang ilikas kung lalala ang sitwasyon.
“Ang sinabi niya dapat maghanda tayo dahil may mahigit 250,000 Pilipino sa Taiwan na maaaring kailangan nating ilikas kung mangyayari ‘yan,” dagdag niya.
Ikinuwento rin ni Escudero ang naging karanasan ng pamahalaan sa kaguluhan sa Syria kung saan ipinatupad ang mga contingency measures upang tulungan ang mga Pilipinong naapektuhan ng karahasan.
“Nung sumiklab ang civil war sa Syria kinailangan natin mag-adapt sa iba’t-ibang contingency measures para matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” aniya.
Binigyang-diin din ng Senate President na maaaring makibahagi sa ganitong operasyon ang iba’t-ibang ahensya tulad ng Department of Migrant Workers, Philippine Coast Guard at AFP.
Nagkomento rin si Escudero tungkol sa kung paano binibigyang-kahulugan ng publiko ang mga pahayag ng mga opisyal ng militar.
“Pagkat naka-uniforme nagsasalita, pagkat sinasabi maghanda kayo, ang automatic na iniisip ng marami sa ating mga kababayan gyera na,” sabi ng senador.
Walang inihayag na partikular na hakbangin o polisiya, ngunit iginiit ni Escudero na dapat maging handa ang mga tamang ahensiya ng gobyerno kaugnay ng sitwasyon.
Ang mga pahayag ni Escudero inilabas sa gitna ng tumitinding pandaigdigang tensyon sa Taiwan Strait.
Ayon sa datos noong 2024, tinatayang nasa 250,000 Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Taiwan.
Sa mga nakaraang paglikas mula sa Syria at Libya, nagtulungan ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Foreign Affairs, Department of Labor and Employment at AFP.