Pagdinig sa Senado inisnab ng ilang miyembro ng Gabinete

24 Views

INISNAB ng ilang miyembto ng Gabinete ang pagdinig sa Senado kaugnay ng kontrobersyal na pagbiyahe sa International Criminal Court (ICC) ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ang hindi pagdalo ng ilang opisyal ng Gabinete sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Foreign Affairs na pinamumunuan ni Sen Imee Marcos ay naging dahilan, ayon sa senadora na hindi masagot ang marami nilang katanungan kaugnay ng pag-aresto at paglipat kay Duterte.

Ayon kay Sen Marcos, nabale-wala ang pagdinig dahil sa halos sabayang pagliban ng mga inanyayahang opisyal ng Gabinete, na tumangging humarap sa pagdinig sa pamamagitan ng pagbanggit sa executive privilege at sa sub judice rule.

Kabilang sa mga hindi dumalo sina Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, Defense Secretary Gilbert Teodoro, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, at National Security Adviser Eduardo Año.

Dismayado si Senadora Imee Marcos, tagapangulo ng komite, at iginiit na may mga mahahalagang tanong na kailangang sagutin.

Sa liham mula sa Executive Secretary na natanggap noong Marso 31, inilahad na sapat na raw ang mga testimonya mula sa Marso 20 na pagdinig. Idinetalye rin sa liham na hindi na makadadalo ang mga opisyal ng gabinete dahil may apat na petisyong kasalukuyang nakabinbin sa Korte Suprema.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na, “President Ferdinand Marcos Jr. would never bar Cabinet members from appearing in Congress.”

Ipinunto naman ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi ito ang unang beses na ginamit ng ehekutibo ang karapatang huwag papuntahin ang mga opisyal nito sa Senado.

Aniya, kinatigan na rin ng Korte Suprema ang ganitong karapatan ng sangay ng ehekutibo kung kayat hindi ito Ang unang beses na nangyari ito.