Laguna1 Si Cristal Mary Gulay (kanan) ang itinanghal na Queen of Prophets. Suot niya ang Filipiniana-inspired gown na likhang orihinal ni Simeon Obligado. Kasama ang kanyang kapares na si John Raizen Cultivo (left), namangha rin ang madla sa suot niyang ombre ng kulay lila at asul na Barong Tagalog. Kuha ni ERWIN VICENTINO

Likhang damit ng DCP-Laguna tampok sa Santacruzan sa Enchanted Kingdom

Erwin Vicentino May 23, 2022
308 Views

BILANG paggunita sa tradisyon ng Flores de Mayo, ang Enchanted Kingdom kabahagi ang Designers Circle Philippines (DCP) – Laguna ay binigyan ng sariling kulay at ganda ang selebrasyon sa kanilang fashion show at flower offering na “Flores De Laguna 2022.”

Ayon sa EK, ang Flores De Laguna ay hindi lamang naglalayong isulong at ipagmalaki ang kanilang mga atraksyon kundi pati na rin ang kulturang Pilipino at maipagmamalaking bansa habang itinatampok ang mahuhusay na Filipino models at designers at kani-kanilang mga orihinal na likha.

Nagbigay ng pambungad na mensahe at nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa mga designer, modelo, staff, at audience na dumalo sa event si Chief Operating Officer, Dr. Cynthia Mamon.

Bago nagsimula ang pangunahing palabas, pinasigla ng mga grupong mang-aawit ng EK: Victoria’s Way at Kingsmen ang madla sa kanilang masigla at magandang boses habang itinatanghal ang iba’t ibang kanta.

Sa pagsisimula ng programa, ipinakilala ng host ng event na si Franco Cacho ang mga designers at modelo.

Dalawampung designers ang nagbigay partisipasyon sa nasabing event na sina Ivanka Hipolito, Justine Talucod, Jaypee Chua, Gimjude Oliveros, Neil De Villa, Rochelle Badel, Mark Pagalanan, Simeon Obligado, Cris de Leon, Leo Larano, Jayvie Dacdac, Jessica Labindao, James Cabriole, AM Palatino Dalagan, Jeffrey Tope, Mark Francis Pacion, Joemel Calma, Joel Mendoza, Jessycris Baduel, at Richard Roque.

Sa kanilang parada, suot ng mga modelo ang kani-kanilang religious title habang inirarampa ang magagarbo, elegante, at nagni-ningning na Filipiniana-inspired gowns. Kasama nilang lumakad ang kanilang partner na lalaki suot naman ang mga modernong bersyon ng Barong Tagalog.

Base sa mga designer, bukod sa pagbibigay pugay sa Birheng Maria sa pamamagitan ng kanilang pagiging malikhain, nakakuha rin sila ng inspirasyon sa kanilang mga personal na karanasan lalo na’t isa ang fashion industry sa naapektuhan ngayong may pandemya.

Matapos ang sagala, umakyat sa entablado ang Filipino singer-songwriters na sina Marielle Belleza at Rob Deniel upang alayan ng mga awitin ang mga manonood.

Sa pagtatapos ng event, binigyang parangal ang DCP sa pamamagitan ng pagbibigay ng Certificate of Appreciation. Kinilala rin at pinasalamatan ng host ang mga sponsor ng event.