Poe Sen. Grace Poe

Kakulangan sa nutrisyon isang dahilan ng pagkabansot ng maraming kabataan

33 Views

ANG kakulangan sa nutrisyon ay isang problemang dapat harapin ng sinuman sa gobyerno.

Ito ang iginiit ni Senadora Grace Poe at sinabing ang tuloy-tuloy na suporta ng pamahalaan para sa mga programang pang-nutrisyon ng mga bata ay napakahalaga para sa kinabukasan ng mga ito.

Nanawagan din siya sa mga kandidato sa darating na halalan sa Mayo 2025 na unahin ang laban kontra malnutrisyon at pagka-bansot ng maraming kabataan dulot ng kakulangan sa tamang pagkain at sustansiya.

Binigyang-diin ni Poe ang kahalagahan ng Republic Act No. 11037 o ang “Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act,” na siya ang pangunahing may-akda.

Isinabatas nito ang mga feeding program ng pamahalaan gaya ng School-Based Feeding Program (SBFP) ng Department of Education (DepEd) at Supplementary Feeding Program (SFP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Mula school year 2018–2019 hanggang 2023–2024, umabot sa 16,088,184 mag-aaral ang nabigyan ng mainit na pagkain at produktong pampalusog sa ilalim ng SBFP, habang 12,139,770 naman ang nakatanggap ng sariwang gatas.

Sa kasalukuyang school year 2024–2025, patuloy na pinakikinabangan ng mahigit 2.2 milyong mag-aaral ang mainit na pagkain, at halos kaparehong bilang ang tumatanggap ng gatas.

Para sa taong 2025, nakapaloob sa pambansang badyet ang P11.7 bilyon para sa SBFP—mas mataas ng P65.7 milyon kumpara sa nakaraang taon. May dagdag na probisyon sa pondo upang bawasan ang gastusing administratibo at mas mapalawak ang pamamahagi ng pagkain.

Samantala, ang SFP na pinangungunahan ng DSWD ay nakapaghatid ng serbisyo sa 9,558,636 batang nasa child development centers at community-based play programs ng mga lokal na pamahalaan mula 2020 hanggang 2024.

Sa school year 2023–2024 lamang, nakapagserbisyo ito sa 1,846,902 bata. Bunga nito, umabot sa 75 porsyento ang ibinaba sa bilang ng mga batang severely underweight at underweight—mula 170,135 ay bumaba ito sa 42,447.

Ipinunto ni Poe na bagama’t positibo ang mga numerong ito, mahalagang hindi maputol ang pagpapatupad ng mga programa upang tuloy-tuloy ang pag-unlad.

“For our children to reach their full potential and be productive, we need to provide them with the very basic need, which is food,” aniya.