Calendar

Reso sa Senado pinarangalan buhay, pamana ni Pope Francis
ISANG RESOLUSYON ang inihain ng Senado bilang pagbibigay pugay sa namayapang Santo Papa ng Romo noong Abril 21 sa edad na 88.
Naghain si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ng Senate Resolution No. 1342 upang parangalan ang buhay at pamana ng Papa.
Sa kanyang resolusyon, inilarawan ni Estrada si Pope Francis bilang “more than just a spiritual leader. He was a symbol of humility, compassion and social justice.”
Iginiit niya na ang mga mensahe ng Santo Papa “touched not only Catholics, but the entire world.”
Tinukoy ni Estrada ang progresibong pananaw ng Papa sa mga isyung panlipunan, ang kanyang simpleng pamumuhay at ang matatag na dedikasyon para sa mga naaapi at sa mga adhikaing pangkalikasan.
Isinaad din sa resolusyon ang kahanga-hangang personal na paglalakbay ng Papa: mula sa pagiging janitor at bouncer, hanggang sa pagiging paring Heswita, pagkatapos ay Arsobispo ng Buenos Aires, at sa huli, ang pagiging kauna-unahang Latin American na Santo Papa noong 2013.
Sa isang pahayag, sinamahan ni Senate Minority Leader Migz Zubiri ang pagluluksa para sa Papa.
“My heart is heavy with grief for our beloved Lolo Kiko, our Pope Francis, whose papacy was marked by his extraordinary compassion and humility.” Inalala niya ang Papa bilang isang taong “ready to come down from the pulpit and engage with the problems of the world alongside the rest of us.”
Nagpugay si Sen. Risa Hontiveros at tinawag si Pope Francis bilang “the greatest aspect about our Church today.”
Kinikilala niya ang progresibong katangian ng Papa: “He saw to it that the Church was truly a Church of the poor.
“Let us keep him in our memory by living the virtues he had always preached: Mercy, compassion, and hope,” dagdag pa ni Hontiveros.
Nauna nang naglabas ng kanyang pahayag ng pakikiramay si Senate President Francis “Chiz” Escudero kasunod ng anunsyo mula sa Vatican.
Inilarawan niya si Pope Francis bilang “a true shepherd of Christ’s flock,” na nagsulong ng pagkakaisa at pagiging inklusibo.
“His tireless efforts to foster peace and inclusion reshaped the Church’s role in promoting unity across religious and cultural divides,” aniya.
Binalikan din ni Escudero ang pastoral visit ng Papa sa Pilipinas noong 2015, kung saan tinatayang mahigit anim na milyong katao ang dumalo sa panghuling misa sa Maynila — isa sa mga pinakamalalaking pagtitipon sa kasaysayan ng mga pagbisita ng Santo Papa.
Tinapos niya ang kanyang pagpupugay sa isang mensahe ng pambansang pasasalamat: “From a grateful nation, paalam at maraming salamat, Pope Francis! Rest in eternal peace.”
Nagdeklara ang Vatican ng siyam na araw ng pagluluksa. Nakatakda ang kanyang libing sa St. Peter’s Square, at inaasahang magtitipon na rin ang isang conclave upang pumili ng kanyang kapalit.
Habang nagpapaalam ang mundo, nagkakaisa ang mga lider ng Pilipinas sa mensaheng ito: ang buhay ni Pope Francis ay isang patotoo ng paglilingkod, pagkakaisa, at malasakit — mga halagang hinihikayat nilang patuloy na isabuhay ng sambayanan lampas sa panahon ng pagdadalamhati.