Calendar
Imee nanawagan sa DA na itigil ang “midnight” deals
PINATITIGIL ni Senador Imee Marcos ang pagtatangka umano ng Department of Agriculture (DA) na ilusot ang isang “midnight deal” habang abala at nakapokus ang buong bansa sa opisyal na bilangan ng boto para sa pagka-presidente at bise-presidente sa Kongreso.
Una nang napuna ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang inilabas na Administrative Order 10-2022 na pirmado ni Agriculture Secretary William Dar, na hudyat para sa importasyon ng 38,695 metriko toneladang ‘small pelagic fish’ tulad ng galunggong (round scad), sardinas, at mackerel na ibebenta sa mga palengke.
“Tapos na ang closed fishing season at kababalik lang sa kanilang kabuhayan ang mga lokal na mga mangingisda, eh bakit nag-iisyu ang DA ng mga CNI (certificate of necessity to import)?” tanong ni Marcos.
Sa ilalim ng Section 61-c ng Fisheries Code, inoobliga ang DA na kumonsulta sa NFARMC sa mga desisyong nakaaapekto sa mga stakeholder sa industriya ng pangingisda.
Pero ayon sa pahayag sa senadora ni Jaydrick Yap, miyembro ng NFARMC at presidente ng Southern Fishing Sea Corporation (SOPHIL), hindi kailanman natalakay sa second-quarter consultation meeting noong Abril 29 ang pangangailangan sa panibagong importasyon ng isda.
Kinontra ni Marcos ang katwiran ng DA na kapos ang supply sa isda at tumataas ang presyo nito sa mga palengke kaya naglabas ng panibagong kautusan para sa importasyon ng isda.
“Kung industriya ng commercial fishing at aquaculture ang pag-uusapan, walang kakapusan sa lokal na supply ng isda at ang anumang pagtaas sa presyo nito ay dahil sa tumataas na presyo ng langis,” paliwanag ni Marcos.