Calendar

Retired Police Col. Ferds Del Rosario maraming suporta sa socmed, malaki tsansa sa halalan
SA kasaysayan ng pulitika sa bansa, ang isang kandidato na tumatakbong indipindiyente o walang kinaka-anibang partidong pulitikal ang may maliit ang tsansa na lumusot sa halalan.
Bukod kasi sa wala silang magiging katuwang sa kandidatura, kapos sila sa pondo para tustusan ang pangangampanya upang mailatag ang kanilang plataporma sa mamamayang paglilingkuran kaya kalimitan, marami sa kanila ang pinupulot sa kangkungan.
Pero sa makabagong panahon, maraming mga independent candidate ngayon ang nagkakaroon ng tsansang magwagi dahil sa tulong ng digital communication o social media at isa na rito ang tumatakbong konsehal ng ikalawang distrito ng Caloocan City na si Ret. Col. Ferdz “Equalizer” Del Rosario na isang tunay na batang Kankaloo.
Bago nagpasiyang sumabak sa larangan ng pulitika, nakilala si Col. Del Rosario bilang magaling na opisyal ng Caloocan police na hindi nasangkot sa katiwalian at may malasakit na tumulong sa bawa’t komunidad kaya’t umani siya ng iba’t-ibang mga parangal, hindi lamang sa pamunuan ng pulisya, kundi maging sa mga pribadong organisasyon na nasilip ang matapat niyang paglilingkod, hindi lamang bilang pulis kundi bilang responsableng mamamayan.
Marami ang naniniwala na kailangan ng isang tulad ni Col. Del Rosario sa Konseho upang makapaghain ng ordinansa at resolusyon na magpapanatili sa kaayusan, katahimikan, at katatagan ng lungsod sa mahabang panahon.
Hindi ako botante sa Caloocan pero naniniwala ako, bilang isa sa mga nakasubaybay sa naging takbo ng karera ni Col. Del Rosario, na malaki ang tsansa niyang magwagi sa halalan lalu na’t umaani ng napakaraming suporta sa social media ang kanyang pangangampanya.
Panahon ng tag-ulan pinaghahandaan na sa Navotas City
TAMA lang ang aksiyong ginagawa nina Navotas Rep. Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco na maghanda na sa panahon ng tag-ulan lalu’t bahain ang ilan pang lugar sa lungsod.
Nito lang kasing Biyernes ng hapon, pinasinayaan ni Rep. Toby Tiangco ang ika-87 Bombastik Pumping Station sa kanto ng Ilang-Ilang at Waling-Waling Streets sa Brgy. Tanza 2 para palakasin ang pagsisikap na mabawasan ang panganib sa baha.
Sabi ng kongresista, mananatiling matatag ang pagsusulong nila ng kanyang kapatid na si Mayor John Rey Tiangco na gumawa ng mga hakbang upang makontrol ang pagbaha at ma-protektahan ang buhay at ari-arian ng kanilang mga kababayan, kasabay na panawagan sa mamamayan na magig reponsable sa pagtatapon ng basura upang mapanatiling malinis ang mga daluyan ng tubig.
Navotas at Green Antz, nagkasundo sa programa sa basura
KUMPIYANSA si Mayor John Rey Tiangco na magiging mabunga ang pinasok na kasunduan sa Green Antz Builders, Inc. para mapalakas ang kanilang inisyatiba sa programang plastic waste recovery.
Sa ilalim kasi ng kasunduan, ang Green Antz ang bahala sa makinarya, teknolohiya, pagsasanay sa pagbubukod ng mga basura, pamamahala sa Material Recovery Facility (MRF) ng lungsod, at marami pang iba na ayon kay Mayor Tiangco ay nakahanay sa kanilang pangako na protektahan ang kalikasan at kalinisan ng kapaligiran.
Hinimok din ng alkalde ang aktibong partisipasyon ng komunidad sa programa upang maging maganda ang epekto sa mga susunod na henerasyon.
Panawagan pa niya, makiisa sa wastong pagbubukod-bukod ng mga basura mula sa nabubulok at hindi nabubulok at higit sa lahat, ang hindi pagtatapon ng mga basurang plastic sa daluyan ng tubig na malaking bagay para maprotektahan ang kapaligiran at kinabukasan.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]