Arestado Ang naarestong Tsino at mga spy equipment na nakuha malapit sa Comelec. File photo ni JONJON C. REYES

Mga senador naalarma sa pagkahuli ng Tsino malapit sa Comelec

22 Views

“NAKAAALARMA!”

Ganito inilarawan ng mga senador ang kamakailang pagkaka-aresto sa isang Chinese national malapit sa Commission on Elections (Comelec) na umano’y may dalang surveillance technology.

Ang insidente ay nagdulot ng seryosong pangamba sa pambansang seguridad, dahilan upang manawagan ang mga mambabatas ng agarang aksyon upang suriin at palakasin ang depensa ng bansa laban sa dayuhang panghihimasok.

Ipinunto ni Senador Joel Villanueva na seryoso ang sitwasyon at nanawagan sa National Security Council (NSC) na bigyang prayoridad ang isang komprehensibong threat assessment.

“Nakakabahala po ito kaya po patuloy po tayong nananawagan sa ating National Security Council na gawing prayoridad ang pagsasagawa ng malawak na threat assessment upang maprotektahan ang ating bansa at demokrasya,” aniya.

Ang pagkaka-aresto ay may kaugnayan sa umano’y paggamit ng isang IMSI catcher—isang kagamitan na kadalasang ginagamit sa surveillance sa pamamagitan ng pagharang sa signal ng mga mobile phone—at naganap malapit sa tanggapan ng Comelec. Bagaman wala pang kumpirmasyon kung tunay ngang espiya ang nasabing dayuhan, ang uri ng teknolohiya at ang lokasyon nito ay lalong nagpalakas ng panawagan para sa mas mahigpit na pagbabantay.

Sinang-ayunan din ni Senador Risa Hontiveros ang mga pangamba ni Villanueva, at binigyang-diin na seryoso ang posibleng epekto ng espiya malapit sa institusyong may kinalaman sa demokrasya.

“The arrest of the alleged Chinese spy near Comelec is deeply concerning, not just for the upcoming elections but also for our national security,” aniya.

Nagbabala rin siya na kung mapatunayang espiya nga ang inaresto, maaari itong magpalala sa masalimuot nang ugnayan ng Pilipinas at Tsina. “Kung mapatunayan na espiya nga itong Chinese national, this will have serious implications for our already-fraught relationship with Beijing,” dagdag pa niya. “Nang-aangkin na nga ng teritoryo natin, mangingialam pa sa eleksyon?”

Bilang matibay na tagapagtanggol ng demokrasya at soberanya, pinuri ni Hontiveros ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mabilis na aksyon nito. Iminungkahi rin niyang gamitin ang insidente bilang pagkakataon upang palakasin ang mga batas kontra espiya at dayuhang pakikialam. “I look forward to the findings of their ongoing investigation, as this could help the Senate improve both the Espionage Act and the Foreign Interference Bill,” aniya.

Binigyang-diin ng parehong senador na dapat magsilbing “wake-up call” ang insidente para sa pamahalaan. Lalo’t nalalapit na ang pambansang halalan, hindi dapat balewalain ang posibilidad ng surveillance o dayuhang panghihimasok. “We cannot allow any foreign power to shape our politics, our national security, and our democracy,” diin ni Hontiveros.

Ang panawagan para sa masusing pagbabantay ay kasabay ng lumalawak na pangamba hinggil sa cybersecurity, integridad ng halalan, at dayuhang panghihimasok sa soberanya ng Pilipinas, lalo na sa gitna ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea. Ang presensya ng mga banyagang personalidad sa paligid ng mga institusyong demokratiko ay nagbabadya ng posibilidad ng pakikialam hindi lang sa resulta ng halalan kundi maging sa mga patakaran at pamamahala ng bansa.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, patuloy ding tumitindi ang panawagan sa NSC, Department of Justice, at iba pang mga ahensiyang pangseguridad na tuklasin ang buong saklaw ng umano’y surveillance activity at magpatupad ng mga reporma upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap na pwedeng magamit sa darating na eleksyon ng mga masasamang elemento.