Knife

Crew natagpuang tadtad ng saksak

19 Views

TADTAD ng saksak at patay na ang 27-anyos na service crew ng matagpuan sa loob ng pinagtatrabahuang establisyimento sa Quezon City noong Linggo.

Nakilala ang sinasabing suspek na dati ring service crew kung saan natagpuang patay ang biktima. Nakatakas ang suspek sa krimen at hindi pa nakikilala.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-8:55 ng umaga nadiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng establisyemento sa kanto ng Tandang Sora Ave. at Quirino Highway, sa Brgy. Sangangdaan, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl Nestor Ariz Jr., dumating ang katrabaho ng biktima sa tindahan upang simulan ang kanyang opening shift duty ng mapansin niyang bukas pa rin ang tindahan.

Nagtatakang pumasok sa tindahan ang nasabing service crew at laking gulat niya nang bumungad sa kaniya ang duguang biktima na nakahandusay sa sahig sa kusina at wala ng buhay.

Nakuha mula sa pinangyarihan ng krimen ang isang brown wallet na naglalaman ng dalawang identification card na may pangalan ng suspek, ilang ATM card at cash money na nagkakahalaga ng P1,000, dalawang kitchen knives, isang cellular phone, brown-colored t-shirt at ID ng biktima.

Lumabas sa cursory examination na nagtamo ang biktima ng maraming saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Samantala, ang manager ng establisiyemento ay nagbigay ng access sa CCTV footage na naka-link sa kanyang mobile phone.

Nang suriin ng mga pulis ang CCTV footage, nakitang dakong alas-9:02 ng gabi noong Sabado pumasok ang suspek sa tindahan habang nasa loob ang biktima.

Sapilitang kinaladkad ng suspek ang biktima patungo sa kusina at doon paulit-ulit na sinaksak.