QCPD Source: QCPD FB page

2 pulis QC nalasing, nanggulo sa KTV, sumuko sa kabaro

18 Views

SUMUKO sa kanilang mga kabaro ang dalawang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) na nanggulo ng malasing at magbatuhan ng ice cubes sa bar sa Commonwealth Avenue, Brgy. Holy Spirit noong Miyerkules.

Naka-assign ang dalawang pulis na may ranggong P/Cpl at Patrolman sa Warrant Section ng Holy Spirit Police Station ng QCPD.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg. Camilo Ross, bandang alas-2:30 ng madaling araw naganap ang insidente sa Hunters KTV Bar sa No. 33 Commonwealth Avenue, Quezon City.

Bago ang insidente, pumasok ang dalawang pulis sa KTV at nang malasing nagsimulang maghagis ng mga ice cubes sa mga tauhan ng bar at iba pang mga kostumer.

Hindi pa nasiyahan, sinipa pa umano ng mga pulis ang sofa na nagdulot ng tensiyon sa bar kaya sa takot nag-alisan ang mga kostumer ng hindi nagbabayad ng mga inorder.

Tumawag ang floor manager ng bar na si alyas Cortez sa Holy Spirit Police Station 14, QCPD at inireport ang insidente.

Kinalaunan kusang sumuko ang dalawang pulis sa kanilang superior at kinumpiska ang kanilang mga armas.

Inihahanda na ang kasong alarm and scandal at malicious mischief laban sa mga pulis.