VAL

Valenzuela may bagong ID para sa seniors, PWDs

Edd Reyes May 20, 2025
64 Views

IPINAKITA ni Valenzuela City Mayor WES Gatchalian ang mga bagong disenyong ID cards na magbibigay proteksiyon at pribilehiyo sa mga senior citizen at persons with disability (PWDs) noong Martes.

May holographic seal na isang tamper-resistant tool na idinisenyo upang hindi mapalsipika ang bawa’t bagong ID na nakarehistro rin sa sentralisadong data system na Valenzuela ID Validation Portal.

Tiyak na mabeberipika agad kung tunay o peke ang hawak na ID ng PWD o senior citizen sa paghingi ng diskuwento.

Mabilis na maa-access sa pamamagitan ng online ng lungsod ang bagong ID na layuning maging madali ang validation ng mga ID ng mga senior citizen at PWD na angkop din para hindi malabag ang umiiral na Data Privacy Act.

Naisakatuparan ang paglulunsad ng proyekto sa ilalim ng ipinasang Ordinance 1231 Series of 2024, ng Sangguniang Panlungsod ng Valenzuela na nagpapahintulot sa mga establisyemento na kumpiskahin ang ipiprisintang pekeng ID at kailangan tong dalhin sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa loob ng tatlong araw.

May nakalaang parusa sa ilalim ng ordinansa sa mga hindi tatalima sa naturang kautusan.

Pinuri ng iba’t-ibang organisasyon ng mga senior at PWD ang naging hakbang ng lokal na pamahalaan lalu na’t batid nilang makakatulong ito upang matigil na ang paggamit ng mga pekeng ID sa pakikipag-transaksyon habang mas magiging madali naman sa mga lehitimong cardholders.