Joaquin

Payo ni Yorme Isko sa anak na si Konsehal Joaquin: Don’t take your position lightly

Edd Reyes May 22, 2025
23 Views

SINABI ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na hindi aniya niya napigilan ang kanyang anak na si Joaquin sa pagnanais na tumakbong konsehal sa Unang Distrito ng lungsod lalu’t pinayagan siya ng kanyang ina.

“Hindi ko talaga pinayagan, he knows it, yung nanay niya pumayag, sabi ko nga sa kanya, alam mo anak, umikot ka muna sa Tondo para makita mo ang dahilan kung bakit ako inaabot ng madaling araw hanggang mag-uumaga sa kalsada,” paliwanag ni Domagoso.

Ipinaliwanag pa aniya niya sa kanyang anak na kahit gaano karami ang mapagkukuhanan niya ng pondo at kahit ano pang pagsisikap ang kanyang gawin, napakarami pa ring problema na baka hindi niya kayanin.

Sinabihan din niya si Joaquin na maituturo niya kung paano patakbuhin ang gobyerno at kung ano ang proseso sa gobyerno subalit ang hindi niya kayang ituro, maging ng kanyang mga kaibigan, ay ang pagmamalasakit sa kapuwa.

Dahil dito, sinimulan aniya ni Joaquin ang mag-ikot sa Tondo at nang makita ang tunay na sitwasyon, naiyak ang kanyang anak na dahilan upang magdesisyon na pumasok sa mundo ng pulitika.

”Pinagpapasalamat ko naman at binigyan siya ng pagkakataon ng mga taga-Tondo. Ganyan ako kabata, 23, nang magsimulang sumabak sa pulitika kaya sabi ko sa kanya, o magpahinog ka na diyan, mag-aral ka, aralin mo yung posisyon mo, don’t take it lightly,” payo pa ni Domagoso sa anak na humakot ng pinakamataas na botong 114,262.