NAIA

E-gates sa NAIA ininspeksyon ng DOJ sec, BI commissioner

Jun I Legaspi May 27, 2025
66 Views

PINANGUNAHAN nina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang inspection sa mga electronic gates (e-gates) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Martes.

Bahagi ang inspeksyon ng adhikain ng administrasyon sa ilalim ng Bagong Pilipinas governance framework na layuning mapabuti ang karanasan ng mga biyahero sa tulong ng makabagong teknolohiya.

Sa nasabing inspeksyon, inilahad ni Viado kay Remulla ang kasalukuyang operasyon ng BI sa NAIA, kabilang na ang pagpapakita sa bagong bukas na wing para sa Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ipinunto ni Viado ang mga hakbangin ng ahensya upang mapabilis at maging mas episyente ang proseso sa immigration, partikular para sa mga OFW at mga nagbabalik-bayang Pilipino.

Nasaksihan ni Remulla ang aktwal na operasyon ng mga e-gates na gumagamit ng biometric verification technology upang awtomatikong iproseso ang immigration clearance ng mga kwalipikadong pasahero na kayang mapababa ang processing time ng hanggang walong segundo.

Ibinahagi rin ni Viado na kasalukuyang bumibili ang BI ng mahigit 100 karagdagang e-gates na ipapakalat sa lahat ng international airports sa bansa.

Layunin ng proyektong ito na mapagaan ang trapiko sa paliparan, paikliin ang pila at tiyaking maayos ang karanasan ng mga manlalakbay, lalo na ang mga OFW.

“Bagamat malaki na ang iniunlad ng ating operasyon sa mga nakaraang taon, batid naming kailangang magpatuloy ang inobasyon,” saad ni Viado.

Binigyang-diin din ni Viado na ang mga hakbang na ito hindi lamang para sa kaginhawaan ng mga biyahero kundi upang patatagin ang mandato ng ahensya sa pagbabantay ng pambansang seguridad.

Inaasahang maisasagawa ang deployment ng mga karagdagang e-gates bago matapos ang 2025.