Marbil1

Marbil pinarangalan pulis na sugatan ng dakpin armadong kelot

Alfred Dalizon May 28, 2025
564 Views

KINILALA nitong Martes ng liderato ng Philippine National Police ang katapangan ng isang miyembro ng Parañaque City Police Station na malubhang nasugatan habang tinatangkang dakipin ang isang nagwawalang lalake na armado ng patalim noong isang linggo.

Bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa tapat, walang pag-iimbot, at matapang na paglilingkod-bayan, isang recognition and awarding ceremony ang ginanap sa BF Homes Police Sub-Station 5 na dinaluhan mismo ni PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil.

Personal na iginawad ni Gen. Marbil ang Medalya ng Kadakilaan (PNP Heroism Medal) at Medalya ng Sugatang Magiting (Wounded Personnel Medal) kay Police Staff Sergeant Carlo Sotelo Navarro bilang pagkilala sa kanyang kahanga-hangang kabayanihan at tapat na paglilingkod.

Malubhang nasugatan si PSSg Navarro habang tumutugon sa isang kaguluhan noong Mayo 23 sa Creek Drive 1, Valley 8, Barangay BF Homes.

Armado ng kutsilyo, biglang umatake ang suspek at sinaksak si PSSg Navarro sa ulo at dibdib. Sa kabila ng panganib, nagtagumpay si Navarro at ang kanyang mga kasamahan na mapigil ang suspek at maiwasan ang higit pang kapahamakan sa komunidad.

Sa kanyang mensahe sa seremonya, pinuri ni PGen Marbil ang tapang ng nasabing pulis:

“Ipinapaabot ko ang taos-pusong pasasalamat kay PSSg Navarro sa kanyang kahanga-hangang kabayanihan. Sa harap ng lantad na panganib, hindi siya umatras—bagkus, hinarap niya ito upang protektahan ang iba, kahit kapalit ay ang sariling buhay,” ayon sa opisyal.,

“Kumilos siya nang walang pag-aalinlangan, dahil sa kanyang paninindigan at tapang. Ito ang uri ng kabayanihan na sumasalamin sa pinakamahusay sa ating kapulisan—walang pag-iimbot, walang takot, at tunay na karapat-dapat sa pinakamataas na pagkilala at walang hanggang paggalang ng bayan, dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Gen. Marbil na ang ginawa ni Navarro ay sumasalamin sa pinakamataas na pamantayan ng serbisyo-pulisya at sa mga adhikaing ipinapaabot ni Pangulong Marcos para sa mga lingkod-bayan—tapat, matatag, at handang ipagtanggol ang mamamayan sa lahat ng pagkakataon.

Buong suporta rin ang ipinapaabot ng Pambansang Pulisya kay PSSg Navarro at sa kanyang pamilya.