Calendar
House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V
DML Ortega: SWS survey malinaw na mensahe na dapat harapin ni VP Sara ang impeachment
MALINAW ang mensahe ng Social Weather Stations (SWS) survey na dapat harapin ni Vice President Sara Duterte ang impeachment case, tigilan na ang pamumulitika at tumulong sa gobyerno para sa ikabubuti ng bansa.
Ito ang sinabi ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union kaugnay ng resulta ng SWS survey na isinagawa nitong Mayo.
“Ang mensahe ng survey ay malinaw: harapin ang kaso, tumigil sa pamumulitika, at makipagtulungan para sa ikabubuti ng bansa. ‘Yan ang inaasahan ng taumbayan sa isang Pangalawang Pangulo,” ani Ortega.
Batay sa resulta ng survey, sinabi ni Ortega na 74 porsiyento ng mga Pilipino ang pabor na tumulong si Duterte sa gobyerno sa halip na labanan ito.
“Hindi po ito panahon ng awayan. Gusto ng mamamayan ay magkaisa tayong lahat para sa Bagong Pilipinas,” sabi ni Ortega.
Ayon din sa survey, 88 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwala na dapat harapin ni Duterte ang impeachment case at linisin ang kanyang pangalan.
“Kung talagang walang kasalanan si VP Sara, bakit takot siyang harapin ang mga paratang?” tanong ni Ortega.
Nasa 59 porsiyento ng mga Pilipino naman ang nais na tigilan na ni Duterte ang pamumulitika at tutukan ang kanyang trabaho bilang Bise Presidente.
“Trabaho muna, politika mamaya—‘yan ang gusto ng taumbayan,” dagdag pa Ortega.
Ayon din sa survey, 61 porsiyento ang nais na tutukan ni Duterte ang kanyang mga sariling polisiya sa halip na atakehin ang iba, at 50 porsiyento naman ang nagsabi na dapat tigilan na ng Bise Presidente ang pagtuligsa sa gobyerno at mga programa nito.
“Kung may layunin siyang makakabuti, ipakita niya ito sa gawa, hindi sa pagbatikos. Hindi makatutulong ang sigawan. Ang kailangan ay solusyon,” giit ni Ortega.
Sinabi ni Ortega na hindi maaaring balewalain na lamang ang resulta ng survey at dapat itong pakinggan ni Duterte.
“The people have spoken, and they want less politics, more results,” dagdag pa ng mambabatas.

